Kahapon, ito ay isang tulang pag-ibig. Isinulat ko ito para sa’yo. Hinintay kita ng matagal, pero hindi ka dumating. Ayan tuloy, nainip ito at naging isang hamak na litanya. Makinig ka ha? Mabilis lang ‘to.
Kahapon, ito ay isang tulang pag-ibig. Binanggit ko ang lahat ng mga bagay na bumuo ng araw ko. Binanggit ko ang mga makukupad mong ngiti, gaano ka kabuti sa pamilya mo, at ang katangi-tanging paraan ng paghawak mo ng bolpen. Binanggit ko rin gaano ka kagaling gumuhit; pinuri kita hanggang nagtampo ang mga kaibigan ko at hindi na rin nila hinintay na dumating ka. (Nakakapagod raw kasi makinig sa mga himig kong puro ikaw, ikaw, ikaw.)
