Mga Tauhan
FRANZ Maranan: 22, binata. Medyo mahaba ang buhok at may kaunting balbas.
GNG. MARANAN: 55, ina ni FRANZ. Naka-pusod ang buhok. Naka-salamin at may pagka-pormal ang damit.
PULIS: 40, lalaki
DDS: lalaki, mahigit 30, naka-itim na balat na jacket at maong na pantalon. Maayos ang suklay ng buhok. Magalang sa pananalita.
Mga NARS, ibang pasyente at bisita sa loob ng ward
Tagpo: Sa ward ng isang pampublikong ospital sa Davao City, takip-silim.
Magaganap ang kabuuan ng dula sa loob ng isang araw
Walang malay na nakahiga si FRANZ sa kama, walang damit pang-itaas, ngunit may duguang benda sa tiyan. Abalang pumaparoo’t parito ang mga NARS sa ward, inaatupag ang ibang pasyente.
Papasok si GNG. MARANAN at ang PULIS.
PULIS: Sa tiyan siya banda natamaan ma’am, pero wala man siya maano sabi ng doktor.
GNG. MARANAN: Asan niyo siya nakita, sir?
PULIS: Sa Boulevard, ma’am. Nakatanggap man gud kami ng tip na meron na naman diyan banda… Swerte yang anak niyo ma’am ba, patay gud yung dalawa niyang kasama.
GNG. MARANAN: Salamat, sir.
(lalabas ang PULIS)
(tititigan ni GNG. MARANAN ang binata, bakas ang pag-aalala, pagka-irita at dalawang taong pangungulila sa mukha.)
(manunumbalik ang malay ni FRANZ. Magugulat at maiilang siya pagkakita sa ina.)
FRANZ: Mang…
GNG. MARANAN: (pagod. Bubuntong hininga.) Kelan ka huli nagpagupit, ha Franz? Kapangit na niyang buhok mo, o..
FRANZ: (mapapapikit sa irita) …Asan sila papang?
GNG. MARANAN: Nasa-opisina. Si ate mo din. (uupo sa tabi ng kama. Kapos sa salita) ‘yan, ano na nangyari sa iyo?
FRANZ: (hihiga patalikod sa ina. Sa sarili) Magsesermon na naman. (sa ina) Ano sa tingin mo?