Salaysay sa akin ni Inay
Nasa sinapupunan pa lamang ako
May digmaan nang sumiklab sa Gaza.
At nang pumasok ako sa Madrasah
Natigil naman itong pansamantala
Dahil binomba pati ang aming eskwela.
Kahit na noong minsang nakipaglaro ako
Sa kalsada kasama sina Bashaar at Saleh
Nagsasalitan ang aming mga sigaw
Sa nakabibinging putukan ng mga baril.
Napakalalim ng sugat sa mukha ng galak
Pagkat sa lupa sindak ang namumulaklak.
Sa bayan walang nakakikilala
Nang dalisay na pagmamahal
Pagkat ang laging nakakasalamuha
Sa palibot ay ang matinding poot.
Mapusyaw ang kulay ng bukas
Pagkat ang usok ng pulbura’y
Ulap na humahabong sa papawirin.
Ngunit may pakpak ang aking pangarap
Matulin naming liliparin ni Buraq
Ang paraisong bukal ng karunungan,
Isang masigasig na pakikipagsapalaran
Na tanging layunin ay sunsunin
Ang kapayapaang kaytagal nang naglaho
Kasabay ng aming mga awit, tula at kuwento,
Mga pamanang itinatangi ng buong lahi.
Agosto 9, 2014
Si Edgar Bacong ay awtor ng Habagat at Niyebe, isang kalipunan ng mga tulang Filipino at Cebuano na nilathala ng Tuluyang Pinoy Zurich at Mindanews noong 2005. Ilan sa kanyang mga akda ay mababasa sa mga antolohiyang Ani ng Cultural Center of the Philippines, Obverse 2 ng Pinoypoets at The Best of Dagmay 2007 to 2009. Si G. Bacong ay tubong Dabaw at nakapagtapos ng Bachelor of Arts in Sociology sa Ateneo de Davao University. Dahil sa pag-ibig ay nilisan niya ang bayang kinalakhan at kasalukuyang naninirahan sa Zurich, Switzerland.