Sa isang Dabawenyong tulad ko na halos nasa bakuran lamang ang dagat, ay di maitatuwang kasingkahulugan ng dagat ang pagiging masaya, pagdiriwang, pagpapahinga mula sa araw-araw na kalakaran, karaniwan at masaganang buhay. Kung kaya’t hinanap ko ito bago pa man napanatag ang loob ko sa Switzerland. Ngunit nabigo ako sa paghahanap na ito. Oo, maraming anyong-tubig sa Switzerland subalit wala ni isa man sa mga ito ay tubig-dagat. Lahat ng tubig sa lawa at ilog ay nanggagaling sa mga natutunaw na niyebe buhat sa nagtatayugang mga alpina na nakapalibot sa maliit na bansang matatagpuan sa gitnang kanluran ng Europa.
Dahil nahirapan akong tanggapin ang katotohanang wala talagang dagat sa bayang nakilala ko lamang noon sa mga makikintab na larawan sa kalendaryo’t libro, ay nagpasya akong hanapin ito sa ibang lugar. Mag-iisang taon pa lamang ako noon sa Switzerland ngunit pakiramdam ko’y dekada nang di ako nakalusong sa dagat. Laking pasalamat ko nang naunawaan ng aking katuwang ang pangangailangan kong ito. Isang araw pagkagaling ko sa Alpha Sprachschule Zuerich, kung saan ako nag-aral ng lengguwaheng Aleman, ay nakalatag sa mesa ang isang makulay na magasing nagbebenta ng mga bakasyon sa mga destinasyong maaraw at may dagat di lamang sa Europa kundi maging sa iba pang kontinente. Lumundag sa galak ang puso ko sa aking natunghayan.