Liham ng isang Gen Z

Poetry by | October 3, 2022

Para sa mga kagaya ko,

Kumusta ka?

Naaalala mo nong mga panahong wala ka pang ibang pinoproblema
kundi kung paano ka tatakbo sa tuwing hahabulin ka ng pamalo ni mama?
Nong mga panahong pinipilit mong magtulog-tulugan sa tanghali
para hindi ka mapagalitan? Yong tatawagin ka ng mga kaibigan mo,
maglalaro kayo ng habul-habulan o tagu-taguan,
tapos pag ikaw na yong taya bigla mong sasabihin na pagod ka na.
Haggang sa bigla na lang kayong mag-aaway, popostura ka na parang ninja –
“Ano ha?! Ano?! Sigee! Sigee!!!” –
pero yong suntukan niyo tila di naman matuloy-tuloy.

Eh, nong muntik mo nang talunin si Cardo Dalisay sa baril-barilan? –
gamit yong sandata mong gawa sa puno ng saging.
Nong mga panahong uso pa ang tirador at jolen;
may papikit-pikit ka pa, eh hindi ka rin naman nakakaasinta!
Minsan, namumula na rin yong mga palad mo sa kahahampas sa sahig
para gumalaw yong goma sa larong dampa –
may iba’t ibang teknik ka pa nga ata kung paano
lumikha ng hangin gamit ang kamay –
ikaw ang tunay na unang airbender!
Minsan naman aakyat kayo sa puno, kasi sumabit yong pinapalipad
niyong saranggola; di ka pa nakontento ginagawa mo pang duyan yong sanga!
Masaya rin yong tila maubusan ka na ng hininga habang
tumatakbo at sumisigaw ng, “Shhattonngggggggg!”

Napakasayang balikan, ano?

Mga panahong masaya kana sa kending merong kasamang singsing –
sa mga tagpipisong pagkain na may laruan sa loob –
sa mga lalagyan ng tsitsiryang ginagawa mong palamuti sa katawan.
Nong mga balat ng Tarzan pa lang ang pinagsasabong niyo,
tapos ginagamit niyong pantaya yong mga takip ng soft drinks.
Sa tuwing nadadapa ka naman o nagkakasakit, ayos lang –
nandiyan naman si mama o si papa –
Royal lang ang gamot sa maraming uri ng sakit!
Tapos sa gabi, ang kinakatakutan mo lang yong mga kuwentong aswang.
Makikinig ka sa radyo – “Gabi ng Lagim” – habang nagtatago sa ilalim ng kumot.
Kapag tatanungin ka kung anong pangarap mo paglaki, andali lang sumagot –
siguradong-sigurado ka!

Ilang dekada na rin pala ang nakalipas,
Nawala na ang mga palo ni mama, pero hindi mo puwedeng takasan
ang mas masakit na latigo ng buhay –
hindi na kayang gamutin ng Royal ang mga sugat.
Ikaw na ang kusang naghahanap ng tulog sa gabi,
kung kailan paulit-ulit mo pa ring hinaharap ang takot –
hindi na dahil sa mga kuwentong aswang,
kundi sa takot sa pagkabigo at sa panghuhusga –
giyera laban sa sarili!

Ngayon, hindi na lang mga palad mo ang namumula,
kundi pati ang iyong mga mata – luha!
Ang dating masayang pagtakbo’t pagsigaw ng “Shattoonggg!”,
napalitan na ng pakikipagkarera dahil nagmamadali kang may maabot –
madalas ikaw na lang ang nakakarinig sa iyong paghiyaw!
Yong mga dati mong kaibigan, hindi mo na madalas nakikita –
yong iba may kanya-kanya na ring pamilya – hindi na jolen ang inyong inaasinta,
kundi ang mga pangarap na minsan hindi ka na sigurado kung tatamaan mo pa.
Siguro nga, natuto ka na ring umibig at naranasan mo na ring maiwan.

Minsan mapapaisip ka na sana puwedeng habambuhay ka na lang manatili
sa isang masayang sitwasyon, o habambuhay ka na lang sanang nakakulong
sa mga bisig ng taong minahal mo.
Maaaring gusto mong bumalik sa nakaraan, magbabakasakali ka na
baka kaya pang mahilot ang itinadhana – hindi na sana nangyari sa’yo
‘yong isang bagay na sobrang dumurog sa puso mo.
Minsan naman sasagi sa isip mo na sana puwedeng sumilip
kahit saglit lang kung ano pang meron sa hinaharap.

Marami nang nagbago at marami pang magbabago.
Malayo pa man ang iyong lalakbayin, ngunit napakalayo na rin ng iyong narating.
Ano man ang mga ganap sa buhay mo simula noong dekada nobenta –
masaya o masalimoot, mga kabutihang nagawa o mga pagkakamaling hindi na naitama,
mga taong dumating para lang mawala – sa huli, sobra ka pa ring pinagpala!
Pagpapala ang mga aral na nagkukubli sa likod ng pighati –
masuwerte ka sa mga masasaya’t malulungkot na alaala!
Bawat yugto, bawat taong naging bahagi ng buhay mo,
may iba’t ibang dahilan kung bakit kailangang mangyari o
kung bakit hanggang doon lang sila puwedeng manatili –
matututunan mo ring makipagbati sa nakaraan – maaaring hindi pa malinaw
ang lahat sa ngayon pero dadating ang araw na ipagbubunyi mo ang lahat!

Laban lang! Dasal lang! Dahan-dahan lang!
Lagi mo lang alalahanin kahit pakiramdam mo minsan
nauubusan ka nang mga kasangga, pero ang totoo hindi ka nag-iisa –
huwag kang matakot humingi ng tulong.
Sa dinami-dami nang mga bagay na gusto mong kalimutan – na gusto mong maabot,
sana huwag mong kalimutan maging masaya.
Huwag kang mag-alala, ano man ang hamon na hinaharap mo ngayon, handa ka na
simula pa pagkabata, at tulad ng ating kabataan, ang lahat ay lilipas din.

HANGA AKO SA’YO, Kaibigan!


Jesica Lange is a graduate of the BS Accounting Technology program of University of Mindanao. “I’m writing just for fun and recently I started posting some of my works on my Instagram account @jiediaries.”

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.