Isa kang potograpo sa harap nitong bangkay
na nakahimlay sa eskinita. Paanong tumitimo
ang igkas ng bala sa iyong kalamnan
gayong di iyo ang katawan?
Sapong-sapo ng apertura ng iyong kamera
ang dilat na mga mata. Alam mong alam niyang
wala mang magtangkang tumingin,
may gimbal sa mga matang hindi naisasara.
Buong-buo mo itong kukunan,
masisipat maging ang hindi mo nais makuhaan.
Sisilip sa lente ang kanyang huling anino.
Magtatagpo kayo nang mata sa mata.
Lalagos ang kanyang titig
hanggang sa iyong buong kaluluwa
at wala ka nang maipagkakait pa.
Taliwas sa iyong pinaniniwalaan,
may sariling katawan ang anino
na walang lalim at babaw. Isang silid
ang kanyang balat—patutuluyin ka niya
at bibigyan ng listahan.
May naghihingalong pangalan sa kung saan.
Ipakikiusap niya:
Kunan mo silang lahat ng larawan.
Unahin mo ang kanilang mga mata.
—
Leo Cosmiano Baltar studies BA Journalism at the University of the Philippines in Diliman. Their articles can be found in Tinig ng Plaridel, while their poems have appeared in The New Verse News, Hong Kong Protesting, Voice & Verse Poetry Magazine, and elsewhere. They hail from Sultan Kudarat, Mindanao.