Engkantada

Poetry by | April 20, 2026

Ihanay mo ako sa may
dakong dalampasigan.
Kasabay ng hambalos ng mga alon
at nagpupumiglas na hangin,
ilapag mo ako sa agos ng kamalayan.
Nais kong mamalas
ang paglubog ng araw sa napipintong
sandali ng aking paglaya.
Hayaan mong tumawag
ang pusod ng karagatan na may
saliw ng mapayapang musika.
Hayaan mong mamaalam ang mga
malalayang ibon sa himpapawid.
Hayaan mong sumayaw
sa saliw ng dapit-hapon
ang mga puno sa pangpang.
Hanggang sa bahagyang kumulimlim
ang asul na kalangitan, ihanay mo ako
sa mga hilatsa at sutla ng kalikasan.


Junard Duterte is presently teaching at Davao del Norte State College, where he has been handling professional education courses since 2018. His love for poetry gives him a second wind and a breath of fresh air amid the hustle and bustle of life.