Hinabi ang mga kulay, at dinampi sa may lona
Upang tingkad ay mabuhay at magkadiwa ang obra.
Ginuhit ang mga hugis, mga detalye at linya
Upang mapukaw ang tamis ng gunita’t ala-ala.
Bawat katha ay hinubog ng matalim na haraya.
Bawat obra ay bantayog ng tagumpay at ligaya.
Nililok ng pagsisikap, pinagtibay ng pag-asa
Ang pagtupad ng pangarap, at paghulma ng korona.
Ngunit makipot ang daang tinatahak ng malikhain
Bago anihin ang bungang itinanim sa dalangin,
Bago sumibol ang tinta at magliyab ang damdamin,
Bago matapos ang obra at mabuksan mga tabing.
Bawat pinta ay sagisag ng inipong karunungan.
Bawat kulay ay liwanag ng nabuong kamalayan.
Bawat dampi, bawat hampas, nahubog ang katauhan,
At ang pinakamimithi ngayo’y pinanghahawakan.
—
Jhunorjim Zandueta is a computer engineering student.