Ako’y nabuhay ng gising
Gising sa bawa’t kataga
Gising sa bawa’t salita
Gising saking bawa’t gawa.
Ako’y nabuhay ng mulat
Mulat aking mga mata
Mulat itong kaluluwa
Sa tinatahak ng paa.
Kitang kita ko ang tinta,
Ang bawa’t guhit at pinta
Ang bawa’t hugis at hubog
Ang bawa’t ilaw at linya.
Natatanaw ko ang daang,
Patungo sa katapusan
Patungo sa kabayaran
Nitong aking bawa’t hakbang.
Ako’y nabuhay ng gising,
Mulat sa bawa’t alamat
Alam ko’ng ang bawa’t sulat
Ay may sukli na katapat.
Ngunit bakit ba ganito?
Alam ko na mali ito,
Kasalanan itong sakdal
Kumakawag pa rin ako
Bakit di ko malabanan,
Bakit di ko mapataob
Halimaw na nilalamo’t
Nagpapahina ng loob?
Hindi na nga yata sapat,
Malaman tama sa mali
Dapat matutong magbuhat
Ng maleta’t magmadali.
Dahil baka mapag-iwanan,
Ka na nga ng panahon.
Mga prinsipyo mo noon
Baka di na angkop ngayon.
Hindi na nga yata sapat,
Maging gising maging mulat.
Dapat malaman mo kung paano
Ihahagis ang lambat.
Jhunorjim Caumbo Zandueta is a Computer Engineering student from ADDU.