I. Quirino Avenue
Dumarating ang oras na iyon, hindi mo kailanman inanyayahan, ngunit dumarating. Tulad, halimbawa, isang gabi noong Enero 2015 habang nag-aabang ka ng masasakyang jeep mula Quirino Avenue patungong Mintal matapos makipagkita sa dalawang kaibigan. Sadyang mahaba ang paghihintay at sadyang punum-puno ang trapiko sa lungsod – maging sa sariling utak, sintindo, at kamalayan.
Inilabas mo ang iyong cellphone, sinubukan kung makakaya ng kamera nitong bihagin ang sandali sa espasyo ng lungsod kung saan nagdidigmaan ang dilim at panglaw. Malugod mong tatanggapin ang mumunting liwanag ng anino ng mga nagdaraang sasakyan kahit na pilit mong itinatago ang iyong mukha. At saka mo sasabihin sa sariling, “Ngayong gabi, maalinsangan, pinalalaya na kita.”
II. Bago Oshiro-Mulig-Manambulan-Calinan
Ipinapalagay ng isang historyador at mananaliksik na Hapones na ang kalawakan ng Bago Oshiro, Mulig, Manambulan, at Calinan ang siyang sinaunang pinaglagakan ng abaca sa dalawang bugso ng pananakop ng mga Amerikano at Hapones sa Mindanaw. Ang plantasyon ang isa sa mga itinuturong dahilan sa tuluyang pagkatiwalag ng mga Bagobo sa kanilang yutang kabilin.
Kung sakaling babaybayin ang ruta ng Bago Oshiro, Mulig, Manambulan, at Calinan gamit ang bisikleta, malalantad ka sa isang daigdig na hiwalay sa kung ano ang nahahagip ng mata sa sentrong bahagi ng lungsod. Malayo sa nagtataasang gusali, maingay na busina ng sasakyan sa trapiko, at epidemya ng sibilisasyon na sa halip na maging makatao ay higit na nagdudulot ng karahasan.
Magsisimula ka sa pagbibisikleta sa Bago Oshiro, babagtasin ang lagusan mula Mintal patungong Toril at saka liliko sa daanan patungong Mulig. Masyadong mahaba ang kinakailangang tahakin na daanan sa bahaging ito. May mga sandaling mapapatigil ka na lang, uupo sa lilim ng puno ng aratilis na humahangos at tumatagaktak ang pawis, at mumultuhin ng realisasyong hindi ka sapat. Hindi ka sapat. Sa pananaliksik, pagtuturo, pangangarap, at pangingibig, hindi lahat ay nananatiling sapat. Patuloy kang tinitimbang ngunit lagi’t lagi, nagkukulang.
Matapos makapahinga, magpapatuloy ang iyong pagpadyak sa bisikleta hanggang Manambulan. Matatarik ang bangin at daanan, walang pangalan ang mga kalye, at tila walang hanggan pa ang babaybayin. Halos isang oras pa na pagpadyak bago mo marating ang Calinan, ngunit hindi mo iindahin ang pakiramdam ng pagod. Sa buhay at pagpadyak sa pedal ng bisikleta, mahaba at pasikot-sikot ang daanang nagbibigay imbitasyon at kumikiling sa pagiging manhid.
Minsan ay dadalawin ka ng isang panaginip: Nasa isang hindi pamilyar at lumang silid ka sa Calinan, walang damit, tumakbo ka ng tumakbo paalis ng silid at nagpatuloy hanggang sa marating mo ang highway na siyang nagdurugtong sa Davao at Bukidnon. Walang tao sa paligid, mapanglaw ang langit, tiningnan mo ang iyong katawan, heto sa balikat ang nunal ng pagnanasa, nasa kaliwang hita ang pilat ng paglimot, at nasa talampakan ang marka ng pangungulila. Ilang saglit pa, tatawa ka ng malakas na malakas. At ang tawang iyon ay para sa lahat ng hindi marunong tumawa.
III. Bangkerohan
Matingkad sa alaala mo ang sandaling iyon noong Hulyo 2014, unang araw mo sa lungsod, at napatigil ang sinasakyan mong taksi sa Bangkerohan River. Pamilyar ka sa hugis at anyo ng ilog lalo na’t ilang beses na itong itinampok sa mga pelikulang piniling gawing lunan ang marahas na espasyo nito na nagkakanlong sa iba’t ibang kulay ng krimen sa lungsod. Sityo ang ilog ng prostitusyon ng mga maralitang bata na sa murang edad ay nalantad na sa mga usaping seksuwal sa Imburnal habang ito ang altar ng krimen sa Sheika kung saan pinatay ang dalawang magkapatid na naging biktima ng mapaniil na sistema ng droga at kahirapan.
Isang gabi, matapos makipagtalastasan sa harapan ng gintong likido ng alak – animo’y bumubulang luha mula sa pingas na bibig ng bote – nasumpungan mo ang sarili kasama ang ilang kaibigan sa palengke ng Bangkerohan. Bulcachong ang sagot sa mga gabing tanging alak ang iyong kaniig. Bulcachong ang hihigupin sakaling lango ka sa paghahanap ng kahulugan at sagot. Bulcachong ang pupuno sa lahat ng pagkakasala ng lungsod. Bulcachong ang simula at wakas.
IV. UP Mindanao
Malaki ang naitulong ng Unibersidad sa iyong paglago bilang tao. Marami kang natutunan sa mga tao na nakasalamuha mo rito – kaibigan, katrabaho, at estudyante. Kung kaya sa tuwing may nagtatanong kung bakit sa UP Mindanao ka nagtuturo, ang sinasagot mo ay bakit nga ba hindi?
Ngunit isang tanong iyon mula sa iyong ina, “Hindi ka pa ba uuwi dito sa atin sa Laguna?”
Isang beses na bumisita ang nanay at kapatid mo sa siyudad, inihatid mo sila sa paliparan pauwi ng Maynila ngunit hanggang sa gate ka lamang ng gusali ng paliparan. At saka mo nadatnan ang sariling nakatayong mag-isa sa paliparan, hindi lilisan o nagbabalik, kundi naghihintay lamang sa paglipad ng eroplano.
V. Roxas
Apat na punto ang maaari sandigan sa pagharaya sa Roxas. Apat ang maaaring maibigay dahil bumubuo ang apat na sulok nito ng isang kahon, iba sa pagiging limitado at panaklong, kundi dahil sa tatag nitong tumayo mula sa pagkakaroon ng apat na dako.
Unang punto:
Maaari mong libutin ang Roxas kasama si J — at papanoorin mo kung papaano niya kikilatisin ang mga paninda sa night market. Maibubulong mo sa iyong sarili, narito sa harapan ko ngayon, ang tao na gusto kong makasama habang buhay. Natagpuan ko na siya. Ngunit ang pinakamasaklap na realisasyon sa lahat, hindi sapat ang pagharaya. Hindi maikukulong ng bibig sa bibig at kamay at ari ang pagsinta.
Pangalawang punto:
Lalakarin mo ang kahabaan ng kalye habang tuliro hinggil sapagdidiskurso sa pinanood na pelikula, at ilang sandali pa ang lilipas, maririnig ang isang malakas na malakas na pagsabog. Uulan ng pulbura mula sa langit, tataghoy ang hangin, at magkukumpulan ang mga katawan sa daanan. Nag-aanyaya ang mga apoy ngunit magpapatuloy ka sa paglalakad ng mabilis, ng mabilis na mabilis. Bumabagsak na ang mga apoy mula sa bulalakaw at hindi sapat ang pananampalataya sa iisang tao.
Pangatlong punto:
Minsan, naisipan mong tumungo sa Roxas ng mag-isa.Umupo sa hagdanan sa entrance ng isang unibersidad doon at saka tanawin ang lahat ng nahahagip ng mata. Nakakalula ang kawalang hanggahan ng lahat.
Pang-apat na punto:
Napapalitan lamang ang pangalan ng mga nakaupo ngunit iisa ang mukha at anyo ng pang-aabuso at paniniil. Hindi titigil ang mga ibon sa pagdapo sa Roxas hangga’t hindi napapawi ang pananamantala. Magpapatuloy ang paghuni ng mga ibon hangga’t hindi naibabalik ang mga nawawala. At walang hanggan ang paglipad ng mga ibon kahit na walang pakpak.
VI. Bajada
Hindi lamang minsan ngunit malimit kang makaramdam ng lungkot. At sa tuwing dinadalaw ka nito, pinipili mong magpakaligaw-ligaw sa ibang bahagi ng siyudad. May panahong nagtutungo ka sa coffee shop sa Bajada kasama ang ilang kaibigan at saka kayo mag-iiyakan tungkol sa lahat ng sama ng loob sa isang daigdig na tila hindi ninyo mawari ang galaw at timbang. O kaya ay ang magbasa ng mga lumang libro sa BookSale at saka manood ng sine. O maaari rin naming magpakalasing sa Secret Shop at Laysa’s upang mapawi kahit papaano ang sama ng loob. At pagkatapos ay kakain ng pares sa Comedor.
Ngunit kapag tapos na ang lahat, kapag wala na ang lahat, mararamdaman mong muli ang pag-iisa.
VII. Mintal
Paborito mo ang mga gabing payapa kung kailan marahan, banal, at sagradong dumadaloy ang mga sandali. Habang nakahiga sa kama sa iyong nirerentahang silid sa Mintal, iniisip mo ang iba’t ibang posibilidad at pagkakataon ng pamamalagi sa lungsod. Nariyan ang mga plano sa pananaliksik at pagtuturo, ang pagbili ng lupa sa Marilog kung saan maaari kang magtanim, at ang pagtanda sa lugar kasama ang ilang kaibigan at mga iniingatang gamit. Isang tahanan ang Mintal. Isa itong tahanang malayo mula sa pinagmulan.
VIII. Francisco Bangoy International Airport
13 Marso 2020. Bitbit ang isang maliit na bag na mayroong laman na kakaunting gamit, nagtungo ka sa Francisco Bangoy International Airport dahil sa nalalapit na lockdown na ipapataw ng gobyerno bunsod na rin ng lumalalang pandemya ng CoViD-19. Punum-puno ng pangamba at walang katiyakan ang lahat – maging ang nagsasala-salabid na hibla ng buhay at kamatayan.
Sa loob ng eroplano, habang umaakyat na ito sa himpapawid, tanaw sa labas ng bintana ang kalmado na gulpo ng Davao, naaarawang mapunong isla ng Samal, banayad na daloy ng buhay sa siyudad, at saka ka bumuntong-hininga. At sa isang iglap, dahan-dahang maglalaho ang natatanaw sa lawas ng mga ulap. Tulad ng isang alaala.
Kasalukoyang nagtuturo sa Unibersidad ng Pilipinas si Jay Jomar F. Quintos. Isa siyang manunulat at filmmaker.