Mga Naiwang Tagpo at Tala sa Talaarawan Nitong Huling Dekada ng Kalungkutan

Poetry by | February 19, 2017

UNANG TAGPO:
Nakatira ako sa tuktok ng bundok
kung saan abot ng dalawang talampakan ko ang mga ulap.
Isang umaga, pagkagising, narinig ko ang himig ng mga tutubi
Na salit-salitang dumadapo sa mga nakatitig na bulaklak.
Hinuli ko ang pinakamatandang tutubi,
Pinitas ang mga pakpak nito, ikinulong sa palad, at iniuwi.
Marahan ko itong inilagay sa bilog na garapon,
At saka buong araw itong tinitigan at pinanood,
Habang ang kulay nito’y nagbabago-bago,
Berde, pula, asul, at ang ‘di maipintang kulay ng buwan
Tuwing makikipagsiping ito sa kasintahang bituin.
Iyon ang unang pagkakataong nakahuli ako ng tutubi,
At simula nang araw na iyon, lagi na akong dinadalaw ng kanilang lupon
Sa panaginip, nakikipag-usap at nagtatanong:
“Bakit nga ba napakaraming kalungkutan sa mundong ito?”
Kumurap ang kaliwa kong mata, kumurap din ang kanan niyang mata.
Isang pagkahaba-habang hikab ang ibinalik ko sa tutubi,
At saka malakas na malakas na pagtawa,
At ang tawang iyon ay para sa lahat ng hindi marunong tumawa.

IKALAWANG TAGPO:
Naglalakad ako sa isang masukal na gubat
kung saan dilat na dilat akong sinalubong ng mga damo.
Doon ko sinimulang basahin ang mga liham na matagal ko ring itinago
sa ilalim ng mga librong walang pahina.
Ang sabi mo’y h’wag akong mag-alala,
nalalapit na ang oras kung kailan matutuyo ang karagatan.
Mahal, kung susundan ang liwanag na nag-uugnay sa tubig at buwan,
Marahil, maiguguhit ang daanan patungo sa pinakatahimik
at pinakamalalim na pagtangis ng mga alon.

IKATLONG TAGPO:
Tugon ng kasintahan niyang historyador:
Marahil, nagsimula ang daigdig sa isang mahabang hikab
At malalim na buntong-hininga, isang umaga ng Sabado, a las kwatro y medya.
Nguni’t tuwing Linggo ng dapit-hapon, nakikipagtagpo siya sa gilid ng tabernakulo
Sa lumang simbahan na hindi na dinadapuan ng ibong tarat,
Kung saan, minsan, payapa at banal siyang nakikipagniig
sa katahimikan at kawalang katiyakan.
At sa pinakadulong pahina ng talaarawan, naglulunoy ang mga letrang:
Mahal, inuulit ko sa pinakahuling pagkakataon,
Tinatanaw kita mula sa pinakadulong sulok ng mata,
Hinihintay sa pinakamahaba’t taimtim na buntong-hininga,
At iniibig sa pinakamabilis na tunog ng puso’t pulso,
Tumitibok-tibok, pumipintig-pintig.

IKAAPAT NA TAGPO:
Naalala ko ang minsang usapan natin sa sementeryo,
ang bulaklak nga ba at armas ay hindi kayang pag-isahin?
Mapusok ang anyo ng kalayaan at pananampalataya
Lalo na’t walang katiyakan at kasiguraduhan.
Tanging ang kamatayan ang katiyakan,
At sa pagitan nang pangungulila at paglimot ng mga naiwan at iniwan,
Sapat na ba ang daliri sa gatilyo para wakasan ang buhay?
Ang haba ng daliri ang siyang magtatakda,
Habang patuloy ang tatlong matandang babae sa pag-usal ng panalangin
at pagkukulong sa pananampalataya sa dalawang magkakabit na palad.

HULING TALA:
Ito ang nakikita:
dilat na dilat ang pagtitig ng mga ilaw sa poste ng siyudad,
tila mandaragit kung makatingin.
Sa kalsada, namumuo sa bitak-bitak na kalsada ang naipon at naghalong tubig at langis.
Isang gabi, malamlam ang langit, sumakay ako sa isang bus na walang pinto.
Umupo ako sa pinakadulong bahagi sa kaliwa nito, inilabas ang kaliwang kamay sa bintana,
at saka dinama ang hamog na nanggagaling sa pinaghalong itim at puting kulay ng ulap.
Marahan kong dinungaw ang langit, nakipagngitian sa mga bituin, kumaway sa buwan,
at inilabas ang dila para tikman ang hangin ng siyudad.
Huli na nang maramdaman kong tinititigan ako ng isang matandang lalaki,
Nakaupo siya sa pinakadulong bahagi sa kanan ng bus,
Puti ang kanyang buhok, sarat ang kanyang ilong, at kulubot ang balat.
Ang mga mata niya’y bumubukas at sumasara tulad ng lumulubog at
sumisikat na araw sa pulang dagat ng tuyong dahon at nabubulok na puting rosas.
Lumapit ako sa matanda, tumabi sa kanyang inuupuan, at saka naghintay ng bulalakaw.
Tumingin sa akin ang matanda at doon ko naamoy ang digmaan, buhay, at kamatayan.
Ilang sandali pa, ipinasok ko ang kanang kamay ko sa suot-suot niyang jogging pants,
kinapa-kapa at sinalat-salat ang lahat ng naroon,
tulad ng pag-uusisa ko sa baul para hanapin ang aking lumang talaarawan,
Sapagka’t naalala kong isinulat doon ang kagustuhang makakita ng bulalakaw.
May hatid na higpit ang pagkapit sa alaala tulad sa higpit nang paghawak ko sa kanyang ari,
Walang tigil sa paghaplos, lumalakas, bumibilis ang pagtaas at pagbaba,
Hanggang sa maramdaman kong nasa mga palad ko na ang mantsa nang pakikiulayaw.
Itinigil ko ang pakikipagbuno,
Dali-dali akong tumayo, nguni’t hinablot niya ang kanan kong braso,
Nasa mukha niya ang pagsusumamo, at muli’t muling pag-aasam.
Tumakbo ako pababa ng bus, naglakad ng mabilis, ng mabilis na mabilis
At saka tumingala sa langit, kung hindi ako nagkakamali,
Unti-unti nang bumabagsak ang mga bulalakaw.


Si Jay Jomar F. Quintos ay isang direktor, aktor, at manunulat. Nagtapos ng B.A. Film Studies sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman, siya ay nagtuturo ng kwentong-bayan, panitikan, at malikhaing pagsulat sa Unibersidad ng Pilipinas Mindanaw. Sa kasalukuyan, tinatapos niya ang kanyang master’s thesis sa Araling Pilipino sa UP Diliman.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.