Mga Naiwang Balangkas Hinggil sa Pag-ibig

Fiction by | December 22, 2019

Isang pangkaraniwang gabi, ilang taon ang lilipas, hihiga siya sa kama at saka haharap sa puting dingding na kinulayan ng alikabok at dumi ng insekto, at pagkatapos, dahan-dahan niyang yayakapin ng mahigpit na mahigpit ang unan, pagdidikitin ang kaliwa at kanang paa, at saka bubuntung-hininga. Alam niya sa sariling hindi ito ang huling beses na mararamdaman niya ang pag-iisa, marahil bukas, sa susunod na araw, sa susunod na linggo, sa susunod na taon, at hanggang sa susunod pang limang taon, hihiga ulit siya sa kama, haharap sa puting dingding, yayakapin ang unan, pagdidikitin ang kaliwa at kanang paa, bubuntung-hininga, at saka mararamdaman ulit ang paglukob ng pag-iisa at kalungkutan. Ilang saglit pa, ibabaling niya ang tingin sa kisame, at pagkatapos, bahagyang babalik sa naunang direksyon nang pagharap sa dingding, muli niyang ipipikit ang mga mata, itatago ang lahat, ang lahat-lahat sa dilim: mukha, pagnanasa, at katawan.


20 Nobyembre 2019

Salit-salitan ang sigaw ng mga demonstrador sa Central Park sa Hong Kong nang bumaba sila sa sinasakyang taxi upang hanapin ang kinontratang tour guide na maglilibot sa kanila sa mga attractions sa lugar. Sa hindi kalayuan sa estasyon ng MTR, nasulyapan niya ang isang lalaking tila pamilyar at hindi pamilyar sa kanya. Nasa 5’6” ang taas, kayumanggi ang kulay, may pagka-singkit ang mga mata, at katamtaman ang pangangatawan. May pagkakatulad ang hitsura ng lalaking demonstrador kay T— kahit na halos dalawang taon na silang hindi nagkikita matapos tuldukan ang hindi malamang ugnayan. Mag-boyfriend, magkarelasyon, mag-uyab, mentor-mentee relationship, bestfriends, friends with benefits, o mga tao na pinagbuklod ng pangungulila at pagkatapos ay nagkapalagayan ng loob na humantong sa tila direktang ugnayan ng kani-kanilang mga pagnanasa at pagkatapos ay maaari nang magpanggap bilang mga estrangherong walang panunugutan sa isa’t isa.

Dati niyang estudyante si T— sa isang GE subject kung saan propesyonal naman ang kanilang relasyon. Kung tutuusi’y nagsimula naman talaga silang mag-usap at lumabas-labas pagkatapos ng semestre kung kailan nawala na sa kanila ang bagahe nang pagkikita araw-araw bilang teacher at estudyante. Tahimik lamang si T— ngunit sumusundot-sundot ang pagkapilyo sa tuwing silang dalawa na lamang ang magkasama.

“Nasaan ka?”
“Nasa puso mo!”
“Magkikita ba tayo mamaya?”
“Kung kakantahan mo ‘ko ng ‘Photograph’ ni Ed Sheeran.”

Natutuwa siya dahil tinuturuan siya ni T— ng mga bagay na hindi masyadong pamilyar sa kanya tulad ng “slr” bilang “sorry late reply” at ng “huehuehue” at iba-iba pang emoji at memes na patok na patok sa Generation Z. Hindi lamang siya sigurado kung natutuwa rin si T— sa tuwing pipilitin niya itong manood ng mga pelikula ni Lino Brocka tulad ng Insiang, Bayan Ko: Kapit sa Patalim, at Orapronobis. Sa tuwina’y nahuhuli na lamang niyang humihikab si T— at tila walang gana na tinatapos na lamang ang pinapanood. Kung minsan, pakiramdam niya’y napipilitan lang din si T— na makinig kay Alanis Morisette dahil hindi raw nito masakyan ang angst. Kung sa bagay, lumabas ang album ni Alanis na Supposed Former Infatuation Junkie sa taon kung kailan pa lamang siya isinilang.

Continue reading Mga Naiwang Balangkas Hinggil sa Pag-ibig

Mga Naiwang Tagpo at Tala sa Talaarawan Nitong Huling Dekada ng Kalungkutan

Poetry by | February 19, 2017

UNANG TAGPO:
Nakatira ako sa tuktok ng bundok
kung saan abot ng dalawang talampakan ko ang mga ulap.
Isang umaga, pagkagising, narinig ko ang himig ng mga tutubi
Na salit-salitang dumadapo sa mga nakatitig na bulaklak.
Hinuli ko ang pinakamatandang tutubi,
Pinitas ang mga pakpak nito, ikinulong sa palad, at iniuwi.
Marahan ko itong inilagay sa bilog na garapon,
At saka buong araw itong tinitigan at pinanood,
Habang ang kulay nito’y nagbabago-bago,
Berde, pula, asul, at ang ‘di maipintang kulay ng buwan
Tuwing makikipagsiping ito sa kasintahang bituin.
Iyon ang unang pagkakataong nakahuli ako ng tutubi,
At simula nang araw na iyon, lagi na akong dinadalaw ng kanilang lupon
Sa panaginip, nakikipag-usap at nagtatanong:
“Bakit nga ba napakaraming kalungkutan sa mundong ito?”
Kumurap ang kaliwa kong mata, kumurap din ang kanan niyang mata.
Isang pagkahaba-habang hikab ang ibinalik ko sa tutubi,
At saka malakas na malakas na pagtawa,
At ang tawang iyon ay para sa lahat ng hindi marunong tumawa.

Continue reading Mga Naiwang Tagpo at Tala sa Talaarawan Nitong Huling Dekada ng Kalungkutan