Nais kong iguhit ang iyong mukha
Sariwa sa alaala
ang unang pagkikita
ni hindi mo pansin ang utal kong labi
Ang ngiti mo ay siya ring umpisa
ng aking tahimik na pagdurusa
na dulot ng aking paghanga.
Bawat pekas at nunal
na sa sandaling iyon ay kabigha-bighani
Tulad ng mga tala sa langit,
walang sawa ko itong tinitigan
kahit na batid kong ang gabi ay lumilipas
at ang ngiting iyon ay panandalian
Nais kong iguhit ang iyong mukha
Sabay nito ang pagbuhos ng aking damdamin na
kailanman ay hindi mo mapapansin
Nais kong iguhit ang iyong mukha
Sabay sa kumpas ng lapis sa papel
ang taimtim na pamamaalam
sa ligaya ng nabihag na sandali
at ang kirot ng pag-ibig na walang sukli
—
Si Henriette ay isang nars ngunit minsan lang nagiging makata.