Sa Afghanistan mahigpit na ipinagbabawal
ng grupong Taliban sa mga kababaihan
ang pumasok sa paaralan upang mag-aral.
Ang sinumang sumuway sa patakarang ito
ay tahasang pinaparusahan sa pamamagitan
ng pagliligwak ng asido sa mukha.
Nobyembre 2008.
Pinili kong idiin ang lapis
Kaysa magkuskos ng dungis.
Magbuklat ng mga aklat
Kaysa magsulsi ng hijab.
Magsaliksik sa pali-paligid
Kaysa mag-igib lagi ng tubig.
Nais ko lamang ipabatid
Babae man ay may himig:
Makaniig ang lawak ng kaalaman,
Maglinang ng sariling kapasyahan,
Kaya lusawin man ng asido
Ang buo kong pagkatao
Iluluwal ng kaluluwa ko’y pangarap
Na susuhay sa dalisay na hinaharap
At magbibinhi ng karunungang
Magpapalaya sa aking angkan.
(hijab- katagang Arabiko na nangangahulugang kurtina o di kaya’y belo na pantakip sa mukha ng mga kababaihang Muslim)
—
Edgar Bacong studied AB Sociology at the Ateneo de Davao University, and now lives in Zurich, Switzerland.