Sa kanto ng Quirino at Davao Doc, dito laging nakakasalamuha ni Edoy ang mga lalaking nakadamit babae, na nag-aalok ng panandaliang aliw. Gabi-gabi ay ganito, gabi-gabi rin siyang tumatanggi. Dito kung saan gabi-gabi din siyang pinaglalaruan ng kanyang damdamin at kunsensya dahil ang pagtanggi ang isa sa mga pinakamahirap na bagay para kay Edoy.
Gaya ng unang pagkakataon siyang pahithitin ng marijuana noong nasa hayskul pa. Isang kamag-aral na ‘di hamak na mas matanda kumpara sa nakararaming estudyante, kamag-aral na ‘di hamak na mas matanda para sa isang nasa unang taon pa rin sa hayskul. Hindi natanggihan ni Edoy ang alok nitong pahithitin siya. Ganoon lang sa simula, ngunit kalauna’y hindi na rin matanggihan ni Edoy ang sarili – ang panandaliang pagtakas sa nakababatong guro sa MAPEH, sa pangulo ng klaseng nagpapanggap na matalino, sa mga sipsip na kaklaseng naglilista ng maingay at hindi nakikinig, sa nakahihiyang kulay kalawanging-puti ng polong suot niya kumpara sa suot ng mga kaklase, at sa nakaaawa niyang butas na medyas na bahagyang nagkukubli sa butas niya ring sapatos – na pinalad lang siyang hindi nagpapantay ang mga butas. Ngunit sakit na ni Edoy ang hindi tumanggi, lalo’t para sa kakaunting mga bagay lamang na masasabi niyang kaniya.