Cinematheque

Fiction by | June 22, 2014

Sa kanto ng Quirino at Davao Doc, dito laging nakakasalamuha ni Edoy ang mga lalaking nakadamit babae, na nag-aalok ng panandaliang aliw. Gabi-gabi ay ganito, gabi-gabi rin siyang tumatanggi. Dito kung saan gabi-gabi din siyang pinaglalaruan ng kanyang damdamin at kunsensya dahil ang pagtanggi ang isa sa mga pinakamahirap na bagay para kay Edoy.

Gaya ng unang pagkakataon siyang pahithitin ng marijuana noong nasa hayskul pa. Isang kamag-aral na ‘di hamak na mas matanda kumpara sa nakararaming estudyante, kamag-aral na ‘di hamak na mas matanda para sa isang nasa unang taon pa rin sa hayskul. Hindi natanggihan ni Edoy ang alok nitong pahithitin siya. Ganoon lang sa simula, ngunit kalauna’y hindi na rin matanggihan ni Edoy ang sarili – ang panandaliang pagtakas sa nakababatong guro sa MAPEH, sa pangulo ng klaseng nagpapanggap na matalino, sa mga sipsip na kaklaseng naglilista ng maingay at hindi nakikinig, sa nakahihiyang kulay kalawanging-puti ng polong suot niya kumpara sa suot ng mga kaklase, at sa nakaaawa niyang butas na medyas na bahagyang nagkukubli sa butas niya ring sapatos – na pinalad lang siyang hindi nagpapantay ang mga butas. Ngunit sakit na ni Edoy ang hindi tumanggi, lalo’t para sa kakaunting mga bagay lamang na masasabi niyang kaniya.

Kakanan si Edoy sa susunod na kanto, kakapa ng barya, at ibibili ng sigarilyo kung mayroon mang baryang natira sa bulsa. Magkukubli siya sa madilim na bahagi ng mga saradong pamilihan. Sa tapat ng McDo Ilustre, doon, doon siya madalas. May paborito siyang kapirasong taguan doon, kung saan siya puwedeng manigarilyo nang hindi nahuhuli ng mga Pulis-Davao. Paisa-isa lang ang mga taong dumadaan, hindi nila nakikita si Edoy pero nakikita sila nito. Naaamoy lamang nila ang usok. Pero walang pumupuna, walang humahanap kung saan ito nagmumula, at higit sa lahat, walang pumapansin. Pagkaubos ng sigarilyo ay babagtasin ni Edoy ang kapirasong distansya patungong People’s Park, pero hindi ito ang kanyang sadya. Lalakad pa siya nang kaunti pero hindi maaaring hindi siya titigil nang bahagya sa tapat ng Taps upang suminghot ng usok ng mga pinipritong ulam doon. Ritwal niya ito upang bahagyang mapahupa ang gutom.

Sa Cinematheque siya hihimpil nang matagal.

Magtatanong si Edoy sa guwardiya kung ano ang palabas na pelikula bukas, sa susunod na linggo, at sa mga darating na buwan. Isusulat niya ito sa isang luma at gusot na kuwaderno, kuwadernong may pabalat na artista. Uusisain niya ang trabaho ng guwardiya ng Cinematheque gaya ng kung ano ang ginagawa nito araw-araw, kung hindi ba ito nababato sa trabaho niya, kung may mga artista bang dumadayo sa Cinematheque. Mga ganoong usapan. Tapos maaalala niyang itanong kung magkano na nga ba ang sine ngayon. Pagkatapos ay ituturo niya ang estatwa ni Lino Brocka. Sasabihin niya sa guwardiyang idolo niya ito, na susundan naman ng listahan ng mga pelikulang ginawa ni Brocka. Oo, may listahan, pero hindi nakasulat. Kabisado lang ni Edoy. Magbabanggit din siya ng mga lumang artista, at kapag naaliw na ang guwardiya ay ikukuwento naman ni Edoy ang buhay niya. Aaminin niyang nakatikim na siya ng marijuana at shabu, pero tikim lang daw. Aaminin niyang napabayaan niya ang pag-aaral, pero napag-initan lang din daw siya ng guro. Aaminin niyang hiwalay sila ng asawa niya pero hindi naman daw niya pinababayaan. Aaminin niyang may apat silang anak pero hindi na daw niya maalala ang mga pangalan. Magbabanggit siya ng mga kamag-anak, ninong, at kakilalang may sinasabi sa lipunan, pero mas kilala daw siya ng mga ito sa totoo niyang pangalan. May totoo pa siyang pangalan, hindi daw Edoy, pero hindi niya sasabihin. Masaya siya na nakikinig ‘yung guwardiya. Masaya siya kapag umiistambay sa Cinematheque, kasi doon may nakikinig sa kanya. Gabi-gabi ‘yun, ganoon.

At gabi-gabi rin ay nagbabago ang anyo ng guwardiya. Inaabangan in Edoy kung ano ang susunod na anyo ng guwardiya sa bawat gabi na dadaan siya at magpapatay ng oras sa Cinematheque. Minsan nagiging babae at kung minsan naman ay pulis na nagpapakitang gilas sa kanya sa pagkalas at paglalagay ng bala – oo, parang FPJ, ganoon. Minsan, nagdadamit payaso din – pero maduming payaso. ‘Yung hindi nakakatawa at hindi pambata. Minsan nagkukunwari ring pulubi ‘yung guwardiya, nagdadamit ito ng butas na kamiseta at may tulak-tulak na kariton tapos may dalang isang supot na pansit, parati pa ngang mainit. Nagbabago-bago talaga, dumadagdag naman ‘yun sa pagkamangha ni Edoy. Nakamamangha dahil sa kabila ng papalit palit na anyo, hindi ito nagbabago. Pinakikinggan niya ang mga kuwento ni Edoy na parang unang beses pa lang niyang narinig. Gabi-gabi ‘yun, ganoon. Gabi-gabi din niyang sinasagot ang mga tanong ni Edoy tungkol sa buhay niya at tungkol sa presyo ng sine ngayon. Parang nakakalimutan niyang maraming beses na itong naitanong ni Edoy, pero hindi niya nalilimutan ang mga sagot. Paulit-ulit ‘yung sagot. Hindi nagbabago.

Inuumaga sila parati sa pagkukuwentuhan. Oo, ‘yung guwardiya ‘tsaka si Edoy. ‘Pag umaga na, parating nagyayaya ‘yung guwardiya na kumain. Dito na masasaktan si Edoy, dito niya maaalala ang sama ng loob niya sa guwardiya. Nasasaktan siya dahil ayaw niyang tumanggi, pero araw-araw siyang tumatanggi sa alok ng guwardiya. Ayaw niya. Ayaw niyang kumain, at higit sa lahat ay ayaw niyang makasalo sa pagkain ang isang taong hindi niya kilala. Dito na sila maghihiwalay ng landas. Nag-iiwanan lang ng pangakong mag-usap na lang muli pag malalamig na ang mga ulo nila.

Sa kanto ng Quirino at Davao Doc, dito laging nakakasalamuha ni Edoy ang mga lalakeng nakadamit babae, na nag-aalok ng panandaliang aliw. Gabi-gabi ay ganito, gabi-gabi rin siyang tumatanggi. Dito kung saan gabi-gabi din siyang pinaglalaruan ng kanyang damdamin at kunsensya dahil ang pagtanggi ang isa sa mga pinakamahirap na bagay para kay Edoy. Pagdaka’y tatawid siya para sumakay ng traysikel, mapayapang tulad ng dati. Pero bago niya itanong sa sarili kung magkano na nga ba ang sine ngayon ay babasagin ang kapayapaan ng lagabog ng dalawang sasakyang magsasalpukan. May mamamatay. May kakalat na dugo. May makikiusyosong mga tindero ng kendi, traysikel drayber, at mga nandidiring customer ng KFC. May mga estudyante ring titigil lang saglit pero babalik agad sa paglalakad dahil mahuhuli na sa klase. Pero walang kaklaseng nag-aalok ng marijuana, walang lalakeng nakadamit babae na nag-aalok ng panandaliang aliw, at walang guwardiyang nagpapalit-palit ng anyo.


Si Arjay N. Viray ay ang kasalukuyang tagapagsanay ng Ateneo de Davao University Glee Club habang nagsisilbi ring guro ng mga kursong Humanidades at Edukasyong Pansining at Musika. Kamakailan ay napili ang kanyang akdang diyona sa mga buwanang nagwagi sa isang timpalak-tulaan ng isang social networking site sa pakikipagtambalan sa LIRA.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.