Lubos akong nagagalak na maibahagi sa malaking hanay sa akademya ang aking sariling persepsyon tungkol sa panitikang Mindanao. Nararapat lamang na ipamulat sa mga mag-aaral at guro ang kamalayang malimit na nauunawan ng madla. Ito ay bilang tugon at pagsalungat sa kadalasang maling perspektibong hatid ng panggagaway ng midya. Nais kong ikwento ang pinagmulan o “hugot” ng aking mga nakakathang tula – ang aking paglalayong isalamin ang Mindanawong pagsusulat, partikular na ang panitikan ng Bangsamoro.
Itinuturing kong isang malaking misyon ang pagsusulat. Ang paghahabi ng mga salita upang mabuo ang mga tula ay tila naging aking paraan sa pagdiskarga ng mga pasaning matagal nang nailagak sa aking mga balikat. Hindi naging mahirap sa akin ang pag-angkin ng naturang gampanin sa mahigit na apat (4) na taon nang pagsusulat. Bagama’t musmos pa sa larangan at tila hindi pa lubos na maitumpak ang tamang pagsukat o pagputol ng mga linya, tamang pagpili ng mga salitang gagamitin, tamang paggamit ng wika, at iba pang teknikal na aspeto ng paggawa ng tula, malinaw na sa akin na mayroong mga kwentong kailangang ipaabot sa madla, mga kwentong tila naghihintay lamang na ilarawan sa pamamagitan ng mga salita at ito ang kwento ng Bangsamoro. Ito ay isang bagay at kasanayang hinding-hindi maituturo ng kahit na sinong magagaling at nauna sa larangan ng panitikan. Mananatili itong likas at pambihirang kayamanan ng isang manunulat. Magiging makatwiran kung aking iuugnay ang paksa sa aking mga tulang nabubuo sa kamalayang aking namulatan.