Mapagkandili sa akin ang Daang Boulevard, ang lunan ng aking kamusmusan, kahit na sabihing pugad ito ng mga lumpen at maralitang tagalunsod. Kaya sa taunang pag-uwi ko ng Dabaw upang bisitahin ang mga mahal ko sa buhay, ay di ko ito nakakaligtaang dalawin tulad ng pagdalaw ko sa matatalik kong mga kaibigan. Sa muli kong pangungumusta sa kanyang mga iskinita ay nakakatawag-pansin ang mga pisikal na pagbabagong nagaganap dito. Wala na ang munting kapilya ng Inang Laging Saklolo sa dati nitong kinatatayuan, na naging saksi sa kalikutan ko at sampu ng aking mga kababata tuwing Flores de Mayo at kapistahan nito. Ang mga simpleng bahay na gawa sa kahoy kundi man iginupo nang kabulukan ay hinalinhan na ng mga konkretong gusali. Naglaho na rin ang mga hahapay-hapay na tulay na umuugnay sa mga kabahayan sa looban. Maging ang kaisa-isang malapad at lubak-lubak na kalsada na nagsilbing palaruan ng mga batang tagaroon ay pinakinis na ng aspalto at pinakitid ng pagbabago. Pakiwari ko tuloy lahat ng palatandaan ng aking kabataan ay sabay na naparam nang ako’y mangibangbayan. Inaamin kong ikinakikirot ito ng aking puso. Lalo na nang mapansin kong wala na ni isa mang laro namin noon gaya ng taguan, tumbang-preso, syatong, piko, sungka at marami pang iba ang nanatili sa hanay ng mga bagong sibol.
Nang Mauso ang Cellphone at Kompyuter
Nonfiction by Edgar Bacong | July 17, 2011