(para kay Arsenia Acut)
Alam ko lang, magaling kang magparusa:
buong kumpol o ‘sang tingting ng walis
batay sa kasalanan, mas kaunti sa mas mabigat;
sampung sili, paisa-isa, nginunguya,
nilulunok sa bawat sagot at sumbat;
rosaryo ng mga luha’t pawis habang hinihintay
na malusaw ang bawat butil ng asin na niluluhuran
para sa mga away-bata, kaibigan man o kapatid;
pagkalula, pagkahilo mula sa pagkakabitin sa sako,
‘sang minuto sa bawat minuto ng paggala;
sampal, suntok, sabunot.
Noon pa man, malikhain ka na
sa pagdiretso sa lahat ng baluktot.
Ngunit ang alam ko lang,
magaling kang magparusa.
Kaya nauhaw sa pasa, bugbog, dugo, at kirot
itong bawat sulok ng aking katawan
noong tumahimik, tumalikod,
umiyak ka lamang.
Sa hapdi, hinukay ko ang aking libingan,
pumasok, namatay, at umahon, nabuhay
sa sakit na kinimkim mo sa iyong
dunong at galing sa pagpaparusa.
Continue reading Mater Dolorosa