Kapag sinispsip mo ang dugo ko
nalalasahan mo ba ang pait
na danas ko?
Natitikman mo ba
ang sigarilyong
pantawid-gutom
ang sting
na pampagising
ang kapeng
nakakalasing
Kailangan kong malasing
Kailangan kong magising
dahil hindi ko kaya
umidlip at sumiping
sa tabi ng
mga basahin
mga takdang-aralin
mga alituntuin
na bawal hindi sundin
Sila lahat ay kailangang gawin
dahil kung hindi
grado ko’y magiging mababa
marka ko’y masasagwa
Mayroon pa ba akong
magagawa?
Maiintindihan mo naman siguro
kung bakit ako’y nasa lansangan
hindi dahil para maging
hapunan mo
pero para maging
lamok din
Dadapo kami sa balat
ng kanilang teritoryo
Sisipsipin namin sa aspalto
ang mga dugong natuyo
mula sa mga patayang
utos ng gobyerno
Para kahit papaano
para kahit ganoon na lang
maangkin namin
ang kanilang mga buhay
na binuwis para
para sa saan?
Mga lamok, sabayan niyo kami
kahit kaming mga kabataan
na nalulunod sa bahang
matagal na dapat naiwasan
na nalulunod sa bahang
burukrasya pa rin
ang sinasabing daan
Mga lamok, nasa labas ako
dahil ang tunay na pag-asa ng bayan
ay hindi nagpapakulong
sa silid-aralan
Kolektibo rin kaming
iingay, iingay, at iingay
Bzzt…bzzt… bzzt…
Ang pondong inyong binulsa
ay dapat pinunta
sa mas mabuting sistema
sa edukasyong tunay
na pang-masa
sa medikasyong
hindi kapitalista
Mga lamok, naririnig niyo ba iyon?
Ang sigaw ng mga tao
Ang sigaw ng mga kabataan
Ayos lang na dumapo ka sa akin
Ayos lang na dugo ko’y iyong inumin
Naiintindihan ko naman
Naiintindihan kita
Kasi ang hirap nang mabuhay
sa panahong mala-dekada sitenta
Kaya lamok, inom lang
Hindi na kita pahihirapan pa
Henri Marie C. Belimac is a budding writer and filmmaker from General Santos City, with a father from Glan, Sarangani, and a mother from Tantangan, South Cotabato. She was a fellow at the 21st Ateneo National Writers Workshop and the Film Development Council of the Philippines x Filipino Screenwriters Guild Screenwriting Workshop – Davao Leg. She is currently a student of BA English (Creative Writing) at UP Mindanao.
