Sa Toboso 19

Poetry by | May 4, 2026

Magkakaiba ng paninindigan
pero iisa ang hinahanap,
kapayapaan.

Paano ba talaga ito makakamtan
kung ang bala ang nauuna
at nahuhuli ang usapan?

Sa isang iglap, may mga pangarap
na hindi na aabot ng umaga.
May mga pangalan
na mananahan na sa alaala

Kasalanan ba ng sundalo
kung ang utos ay sinusunod niya?

Kasalanan ba ng aktibismo
kung matagal na siyang ‘di pinakikinggan?

O baka mali ang tanong,
baka hindi sila ang dapat sisihin.

Itanong sa mga nasa itaas,
sa mga hindi kailanman sumuong sa putok
sa mga may kapangyarihang mag-utos
pero hindi nadadaplis ng pagsubok

Baka doon
may sagot.

O baka doon
nagsimula ang tanong.


Si Gine Mae L. Lagnason ay full-time faculty member mula sa Central Mindanao University. Nakapagtapos ng Master of Arts in Philippine Studies–Language, Culture, Media sa Pamantasang De La Salle-Maynila noong 2019. Pinarangalan siya ng 2022 Gawad Rolando S. Tinio sa Tagasalin (Kategoryang Nobela), o ang Translator’s Prize ng NCCA.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.