Kung katahimikan ang nangungusap
sa iyo, buong-buong katahimikan,
ano ang naririnig ng mga butáng na nakahinto
na pumipintig mula sa kaniyang mga labi?
Walang salita ang bisperas ng nagwawalang buwan
kahit ito ay kakainin
ng Minokawa,
kahit nagmamartsa ang mga aninipot
sa hangin at naghahalo
ang kanilang sulô
ay walang salita ang maririnig
mula sa kaniya na umuupo
sa umuugod-ugod na salumpo.
Walang salita ang maririnig
sa kumukunot niyang labi
kahit sasapit ang pagbukas
ng pista ng mga santo
na hihimok sa kaniyang kaluluwa na manalangin
para maligtas sa kalayo
at walang hanggang pagdusa.
Ngunit, kay sakit isipin dahil sakit ang nagpapatikom sa kaniyang
mga labi. Banayad na hangin
ang tanging dumadapya
mula sa nakatutok na bentilador,
at isang radyo na gumagaralgal. Binabalot siya
ng kumot ng hapis habang nakatanday
ang kaniyang ulo sa unan
ng luha at hikbi.
Kahit ang paligid walang kaimik-imik, tanging
mata ang umiikot sa bubungan
at sawaling dingding.
Naaalala kong muli ang bána
niya noong daliri na lang
ang bumubulong habang
nakaratay sa higaan. Walang tinig kahit minokawa at osuang
ang kukuha sa kaniya.
Anong pulos nitong nasasaksihan
kong pagkaratay na inuulit
ng panahon sa mga tagpong
walang natutuhan.
Bawat pagbukas ng mga mata
tuwing umaga ay bumabanaag ito.
Habang ang matandang nilalang
ay bumabalik sa kaniyang kabataan,
namamaluktot ang katawan,
hindi gaano naaaninag ang paligid
na parang sanggol sa sinapupunan,
habang tumitiklop ang mga tuhod
ay umaamin, nagsasaksi
ito sa kaniyang sariling nagawa, kung bakit
hindi niya pinakilala ang tunay kong ama.
Tungod doon, nilamon ako
ng huklubang kahihiyan
na parang tutuldukan ko na lang
ang aking búkas. Kayâ para akong tabako
na nauupos sa kirot ngayon, humuhulagpos
na rin ang lakás.
Adrian Pete Pregonir is a Senior High School student from South Cotabato. His works appeared in the Cotabato Literary Journal, Liwayway Magazine, and Pundok Katitikan. He is a fellow for at during the Davao Writers Workshop 2018.