Babasahin ko pa ang galaw ng katawan ng namamasada.
Ang ikinikirot ng manibela: isang ikot nalang, isang ikot nalang.
Kung sa hindi mabilang na mga pagbaybay sa kalagitnaan
ng lungsod, uubo ng tatlong beses ang drayber malapit
sa flyover sa R. Castillo at maghihintay na namang
matuyo ang pawis sa likod kapag nasa kasuluk-sulukan
na ng Bago Gallera. Kung papaanong hindi ko matunton
ang mapa sa loob ng aking mga diwa, hindi ko pa masagot
sa buwang ito. Baka sa Nobyembre o kaya sa susunod pang taon,
kung sa paglimot sa mga mata mo, mga pisnging
hinahanap ang mga ngiti mo sa labi, mga pagpahinga
ng ulo sa kamay mo tuwing lilingon kang nakaupo sa malayo,
baka mahanap ko na ang sarili ko. Kung gayong hindi ko
masukat ang kahabaan ng Roxas, ang paliku-likong katawan
ng McArthur, ang kurbang mukha ng Marfori, bubulong nalang
ako sa hangin, susulyap sa walang katapusang pag-ikot ng
mga gulong, pipiliting makaalala kung saan ang destinasyon ko.
Kung gayong hindi pa kita mahanap, hindi pa ako bababa.
Nagtuturo sa Ateneo at tumutula-tula si Ian.