Cuba: Sa Mata Ng Isang Turista

Poetry by | December 23, 2018

Ipinagbunyi ko ang tagumpay ng rebolusyon
na natamo ni Che sa lalawigan ng Sta. Clara
at nadatna’y masiglang sayawan sa Mejunje.

Inamoy ko ang samyo ng rebolusyon
sa sakahan ng mga guajiro sa Vinales
at nalanghap ay maaskad na tabako.

Hiniging ko ang awit ng rebolusyon
sa mga kalye’t parke ng Cienfuegos
at nakisaliw ang babaeng namalimos.

Kinalugdan ko ang rilag ng rebolusyon
sa kolonyal na bayan ng Trinidad
at humarang ang kabulaanan sa daan.

Hinangaan ko ang diwa ng rebolusyon
na kasinlinis ng dagat ng Varadero
at hinimlaya’y inaanay na edipisyo.

Dinalaw ko ang pangako ng rebolusyon
sa malawak na Plaza de la Revolucion
at binusalan bawat kataga ng pagpuna.

At nang lasapin ko ang bunga ng rebolusyon
sa mga hapag ng paladar ng Habana Vieja
binusog ako ng ‘sang pinggang katotohanan.

Marso 3, 2015
Zurich, Switzerland


Si Edgar Bacong ay awtor ng Habagat at Niyebe, isang kalipunan ng mga tulang Filipino at Cebuano na nilathala ng Tuluyang Pinoy Zurich at Mindanews noong 2005. Ilan sa kanyang mga akda ay mababasa sa mga antolohiyang Ani ng Cultural Center of the Philippines, Obverse 2 ng Pinoypoets at The Best of Dagmay 2007 to 2009. Si G. Bacong ay tubong Dabaw at nakapagtapos ng Bachelor of Arts in Sociology sa Ateneo de Davao University. Dahil sa pag-ibig ay nilisan niya ang bayang kinalakhan at kasalukuyang naninirahan sa Zurich, Switzerland.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.