Umiikot sa ilaw, nararamdaman nya ang init nito. Kumuha siya ng tubig at binuhos ito sa nagliliyab na apoy. Ang bato ay nanghina, napolbo, naging abo at usok sa sanlibutan.
Saksi ang kawayan. Malapista ang saya. Amoy pasko na ang kapaligiran. Sisig, ibang klaseng maanghang na pagkain na nanunuot sa aking lalamunan. Ang tinatagpi-tagping kahoy ay nagsisilbing upuan na bakat na bakat pa ang ugat nito. At sa saliw ng musika ay sabay-sabay na umiindayog ang mga dahon sa kawayan. Samantala ang haligi ay tayung-tayo sa kanyang kinalalagyan.
Ako ay nasisilaw sa liwanag na nanggagaling sa butas ng bintana. Tanaw ko ang liwanag na pumasok sa pagiwang-giwang na pintuan na gawa sa kawayan. Ang hangin ay maaring hindi galing sa langit o baka ito ay bunga lamang ng isang panaginip.
Gusto kong ibuhos ang aking galit sa awit at sayaw. Sa sinuman na kaya akong mahalin ay naaaninag ko ang walang pag-asa sa buhay. Ang lalaki ay hindi sigurado sa kanyang paa ganoon din ang babae.
Gusto kong takasan ang apoy, ang pagawaan ng kutsilyo, ang pagawaan ng uling. Kailangan ko rin ang tunay na pag-ibig. May karapatan ang sinuman mahalin at magmahal. Sadyang hindi lang pantay ang mundo.
Umaasa ako na totoo na ang nagmahal sa akin; sinusuklian ko naman ito ng naglalagablab na apoy ng pagibig. Napakailap ng mga leyon, napakahirap paamuin ito. Matagal pa sumikat ang araw. Subalit sa gitna ng entablado ay maaring may magka interes na sa akin na ako ay ihaon sa kumunoy ng digmaan. Buhay pa ako ngunit patay na ang kalahati ng aking katawan.
Mainit ang bukal ng tubig. Ang init ay hindi kayang sukatin. Bumuhos ng tubig. Malakas ang ulan. Malakas ang hangin na tagos sa buto. Nag-aapoy ang uling. Mabilis ang higop ng hangin. Hawak ang galit na apoy. Ayaw niyang paawat. Humina ang naglalagablab na apoy. Binuhusan ng tubig. Naging masunurin ang bakal na ginawang matulis na punyal. Matibay ito, kasing tibay ng aking sikmura, kasing tibay ng aking prinsipyo.
Ang dahon ng kawayan sa isang hampas ng hangin ay sumabay rin sa kumpas ng buhay. Nakakabighani ang ilaw sa lungsod subalit para itong mansanas ni Eba. Wala akong magawa, ganito ang tao.
Subalit, huwag mong hawakan ang katas ng aking pawis ni apakan ito. Matuto kang kalabanin ang ilog. Lahat ng kumikinang ay maaring ginto, ngunit sa bandang huli ito ay maaring tanso rin. Ganito ang nangyari sa aking buhay ngunit hindi ako kayang apihin ng mga higante. Kaya kong itusok ang punyal sa iyong puso, maangkin ko lang ang diyamante.
Hindi ako nagpapatalo sa kamangmangan sanhi ng aking kahirapan. Kumakain ang ibon at langgam. Mas lalo may karapatang akong mabuhay sapagkat ako ay anak rin ng Dakilang Maylikha. Gusto ko rin makaranas kumain ng ubas at mansanas. Bilang anak ng Diyos ako rin ay may karapatan humawak ng ginto at ipalamuti ito sa aking leeg.
Ako ay natutong mabuhay at lumaban mag-isa. Ang bawat araw sa aking pagligo ay unti-unting nagbabago ang aking pananaw sa mundo. Madulas ang sabon, kasing dulas ng putik ng lupa sa mundo.
Mamamatay ang apoy subalit ang katas ng pawis ay lason sa mga hayop na walang sawang sumisipsip sa sustansya ng ilog. Tumigil man ang ikot ng aking mundo kasama ang paghinto ng mga palaspas ng mga dahon ng kawayan. Ang katas ng pawis ay naging pataba pa rin ng mga nuno sa punso.
Maaring ako ay isang pantas na sinusundan ang liwanag ng bituin, subalit naging mailap sa akin ang kapalaran. Maaring totoo na ako ay galing sa abo at maging abo uli. Subalit ang katas ng aking pawis ay minsan naging asin sa iyong hapag kainan. Nadudurog man ang aking buto na mas maliit pa sa binhi ng mustasa, tandaan mo, ang aking kamandag ay gumagapang sa lupa. Parang leyon na handang lapain ang natitirang buhay sa mundo.
Minsan, tumingala sila sa langit, nakatitig ang mga matang parang gusto ring subukan kung papaano kumain ng apoy. Mahirap pero kailangan kong gawin sapagkat ayaw kong maipasok sa ataul na walang laman ang sikmura. Sinusumpa ko na ayaw maglinis ng inodoro ng kubeta para lang may makakain. Ginawa kong kumain ng apoy kahit ikakamatay ko pa ito.
Kailangan marunong akong sumakay sa entablado upang hindi ako mahalata na ako ay nahihirapan sa buhay. Kailangan ko ng butil ng bigas upang mabuhay. Mabuti na ito kaysa sa magnakaw. Libre ang mangarap pero kapag nagpapawis na ako, kailangan bayaran niyo ako.
Ang dilim ng araw ay ikinukubli ko ang aking mukha. Ako ay nahihiya pumalaot sa gitna ng dagat. Maaring ako’y pagtawanan ng isda at kaining ng mga pating na walang sawang sumipsip sa aking dugo.
Lalabas ang ahas dahil walang kasinglamig ang hangin na nagmula sa dahon ng kawayan; masarap isilung ang mga hayop, nanginginig ang mga butu-buto nito, nanlalambot ang buong katawan. Parang lumuluha ang tila mata ng nga kawayan, nagmamakaawa ng isang halik at pisil katumbas ng isang kilong bigas upang maitawid ang aking paghinga, aking sikmura at ang tibok ng aking puso.
Ako rin ay maaring magtapos. Ang kulog at kidlat, apoy at bagyo kahit kawayan na magaling sumabay sa hangin ay kaya rin itumba ang tibay ng prinsipyo. Inihinto ko ang kumpas ng mga dahon ng kawayan kasabay sa pagtigil ng tunog ng mga musika sa hangin.
Ako ay tulad ng isang kawayan, bahala ka na kung ano ang tingin mo sa akin. Maaaring isa akong halaman o kahoy. Ang mahalaga ay nabigyan ko ng kahulugan ang aking buhay sa aking sariling mga kamay at paa. Subalit, ahas ka nga, sapangkat hanggan ngayon ay gumagapang ka pa rin sa lupa.
December 4, 2016
—
Si Jed P. Acero ay a isang guro ng Filipino sa Sta. Ana National High School, Davao City, at isang propesor ng mga paksang Aghang Panlipunan sa Unibersidad ng Mindanaw. Siya ay may Doctorate Degree in Public Administration, Doctor of Philosophy in Humanities major in Transformation and Social Change, at Doctor of Philosophy in Instructional Leadership and Management.