Paghahanap ng Dagat sa Switzerland

Nonfiction by | July 6, 2014

Sa isang Dabawenyong tulad ko na halos nasa bakuran lamang ang dagat, ay di maitatuwang kasingkahulugan ng dagat ang pagiging masaya, pagdiriwang, pagpapahinga mula sa araw-araw na kalakaran, karaniwan at masaganang buhay. Kung kaya’t hinanap ko ito bago pa man napanatag ang loob ko sa Switzerland. Ngunit nabigo ako sa paghahanap na ito. Oo, maraming anyong-tubig sa Switzerland subalit wala ni isa man sa mga ito ay tubig-dagat. Lahat ng tubig sa lawa at ilog ay nanggagaling sa mga natutunaw na niyebe buhat sa nagtatayugang mga alpina na nakapalibot sa maliit na bansang matatagpuan sa gitnang kanluran ng Europa.

Dahil nahirapan akong tanggapin ang katotohanang wala talagang dagat sa bayang nakilala ko lamang noon sa mga makikintab na larawan sa kalendaryo’t libro, ay nagpasya akong hanapin ito sa ibang lugar. Mag-iisang taon pa lamang ako noon sa Switzerland ngunit pakiramdam ko’y dekada nang di ako nakalusong sa dagat. Laking pasalamat ko nang naunawaan ng aking katuwang ang pangangailangan kong ito. Isang araw pagkagaling ko sa Alpha Sprachschule Zuerich, kung saan ako nag-aral ng lengguwaheng Aleman, ay nakalatag sa mesa ang isang makulay na magasing nagbebenta ng mga bakasyon sa mga destinasyong maaraw at may dagat di lamang sa Europa kundi maging sa iba pang kontinente. Lumundag sa galak ang puso ko sa aking natunghayan.

Batid kong di kami makapagbakasyon sa mamahaling destinasyon. Dahil sa panahong ito nabubuhay lamang kami ng aking katuwang sa iisang kita, sa kanyang kinikita, na bagama’t di gaanong malaki ay napagkakasya namin ito. Pero di bale, ang mahalaga ay maibabad kong muli ang aking katawan at kaluluwa sa alat ng dagat. Kaya wala kaming gaanong mapagpilian kundi ang tuklasin ang isla ng Kos, isang popular na isla sa Gresya, na mas tanyag bilang lupang tinubuan ni Hippokrates, ang kinilalang ama ng panggagamot.

Napakapayak ng hotel na aming tinirhan ng isang Linggo sa Kos. Maliban sa kama at aparador na gawa mula sa mumurahing mga kahoy ay wala ng iba pang kasangkapang makikita sa maliit na kuwarto. Sa pangkabuuan, di ito kakikitaan nang pagkamaaliwalas. Pero praktikal dahil ilang hakbang lang ay nasa dagat na kami. Laking gulat ko nang una akong mapadako sa dalampasigan. Walang mga puno ng niyog o anumang punongkahoy na nagbibigay lilim sa mga turistang sumasamba sa araw at dagat, kundi ang naglalakihang mga payong lamang na halos ilang dangkal lang ang pagitan sa isa’t-isa. Ang inakala kong pino’t puting buhangin ay itim at mabato. Pakiwari ko’y nasa dalampasigan lamang ako ng Bucana, Boulevard, ang dagat ng aking kabataan noong di pa ito pinuputakti ng mga barung-barong.

Di ako nasiyahan sa mga imaheng tumambad. Ngunit sa halip na umangal ay minabuti kong pasiglahin ang buong bakasyon. Hinalughog namin ang ibang bahagi ng isla. Dinayo ang bulubunduking bahagi nito sa pamamagitan ng pagrerenta ng motorsiklo. Minsan nama’y inikot ang syudad na nakabisikleta at binisita ang mga makasaysayang lunan gaya ng sanatoryo ng Askleipion at ang sinaunang Odeon, ang edipisyong ginamit ng mga Griyego noon para sa pagtatanghal ng mga dula, awit at tula. Nahimok rin kaming bumisita sa isa sa mga kalapit isla kasama ang iba pang mga turistang marahil tulad ko—sabik na makakita ng tipikal na baryo ng mga Griyego.

Noon pa ma’y pumasok na sa isip ko na ang pagpunta sa ibang lugar, mapa ibang bansa man o mapa sariling bayan, ay di lamang pagdalaw sa mga magagandang tanawin o makasaysayang pook kundi pagtuklas din sa mga nakasanayang panlasa ng mga katutubo. Kasabay sa pagdukal ko sa kasaysayan at mga kuwento ay ang pagkawili kong makatuklas ng mga malinamnam na putahe. Sa Kos, una kong natikman ang mga pagkaing itinatangi ng mga Griyego gaya ng tzatziki, ang pampaganang gawa mula sa yogurt na hinaluan ng ginadgad na pipino, bawang, olive oil at asin, na ipinapahid sa tinapay habang nag-aantay sa susunod na putahe. O di kaya’y ang paborito kong moussaka, na sa unang tingin akala ko’y lasagne, na karaniwang gawa mula sa patong-patong na ginisang talong at kamatis na madalas hinahaluan ng giniling na karne at may sarsang bechamel sa ibabaw. Kahit na ang simpleng panghimagas na gawa mula sa napakalapot na yogurt na binudburan ng mga nugales (walnut) at pulot, ay ipinagbubunyi ng aking dila.
Di man ako nabighani sa dagat ng Kos, gayunpama’y, labis kong ikinatuwa ang ibang bagay na aking namalas, nalasap at naranasan.

Patuloy ko pa ring hinahanap ang dagat sa mga panahong ito. Minsa’y tumitindi lalo na’t abalang-abala sa trabaho at halos di na makahinga. Ilang beses nang naakit. At ilang beses na ring nadismaya. Ngunit lagi’t-laging di pinanghihinaan ng loob na maglakbay at tumuklas ng kagandahan sa mga di kanais-nais na dalampasigang puno ng buhay.


Edgar Bacong studied AB Sociology at the Ateneo de Davao University; he loves to travel.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.