Mga Tauhan:
Rick, 25, nars, nagtrabaho sa call center pero agad nag-resign
Nimfa, 28, pulubi, nagkukunwaring bulag
Mga taong dumadaan
Lugar:
Hapon. Sa labas ng simbahan. Sa may bangketa. May lata sa harap ng nakaupong pulubi. Tumutugtog siya gamit ang harmonika. May mga dumadaan na mga tao. Paminsan-minsan sila ay naghuhulog ng barya sa lata. At paminsan-minsan din ay palihim na nagrereklamo si Nimfa sa mga baryang hinulog.
Nimfa: (Sa sarili.) Ang babarat naman! Ang gagara ng mga damit pero singkwenta sentimos lang ang binibigay. Pero ayos na rin ‘to kaysa wala. (Bibilangin ang mga barya at mabilis silang ibubulsa.)
(Mapapadaan si Rick sa harap ng pulubi. Mahahalata niya ang ginagawa nito. Mapapansin ni Nimfa kaya’t pasimpleng hihirit ng…)
Nimfa: Limos… Palimos po… Maawa po kayo…
Rick: Anong palimos-palimos ka diyan? Hey! I saw you. I saw what you just did, Ate. Kitang-kita ng dalawang mata ko. Binibilang mo yung mga coins.
Nimfa: Kuya… Konting tulong lang po…
Rick: Aba, aba, kunwari pa ‘to. Eh hindi naman totoong bulag. Style niyo po bulok. Nanloloko po kayo ng kapwa. Masama po yun. At sa labas pa talaga ng church?
Nimfa: Eh, ano bang problema mo, ha? Naghahanapbuhay ako dito. Alis ka nga diyan.
Rick: See? Sindikato ka siguro, ano? Style niyo yang ganyan eh.
Nimfa: Ay, ewan ko sa ’yo. (Dadamputin ang harmonika at tutugtugin ito.)
Rick: Hey, hey! Listen. Tingnan mo nga ako. Nagtatrabaho nang maayos. Disente. Nurse ako, nurse, but I worked as a call center agent because I am so good. Biro mo yun. Pero pinagpapaguran ko yung perang kinikita ko. Hindi katulad mo, bulag-bulagan para kaawaan?
Nimfa: Bakit, pinipilit ba kita?
Rick: Hindi. Pero ganun na rin yon.
Nimfa: Umalis ka na nga!
Rick: Maswerte ka Ate, good mood ako ngayon. I have just resigned from my job. Pero may hinihintay naman akong tawag galing sa agency ko. Ilang buwan na lang at makakapag-Canada na rin ako. Narinig mo yun? Ca-na-da. Ay, hindi mo naman pala alam kung saan yung Canada. Anyways, kung matanggap man ako, at alam kong matatanggap ako kasi nakapagtapos ako, makaka-alis na rin ako sa pobreng country na ‘to. At malayo sa mga dukha’t manggagantsong katulad mo. Kaya hindi tayo umaasenso eh. All you know is make limos.
Nimfa: Hoy! Dati akong labandera ‘no. Eh, kasalanan ko bang binayo ng bagyo ang lugar namin, ha? Inanod ng baha ang lahat sa amin. Walang natira. May mga anak ako. Tatlo. Gustuhin ko mang magtrabaho, wala akong mapasukan. Mabuti na ‘to kaysa mang-hold-up ako.
Rick: Really? Like, who cares, Ate? Alam mo, ang drama mo. Eh dati ka pa dito, di ba? Palagi kaya akong napapadaan dito. And I always see your freaking face.
Nimfa: Ay, ewan ko sa ’yo. Sira ulo. (May dadamputin sa pitaka.) O, heto ang isang daan, pang-istarbucks mo. At utang na loob, umalis ka na. Naghahanapbuhay ang tao. Bunubuking mo pa eh. Istorbo! (Tatayo. Hahanap ng ibang pwesto na mapaglilimusan.)
Rick: (Hahawakan ang kaliwang braso ni Nimfa.) Hey, hey! Where do you think you’re going, ha? You can’t just leave.
Nimfa: Bitiwan mo nga ako!
Rick: Ay, puta! Ang baho na nga ng hitsura mo, ang baho pa ng hininga mo. Pati imburnal mahihiya sa ‘yo.
Nimfa: Ang sakit mong magsalita! Akala mo ang linis-linis mo?
Rick: Shut up! (Hihilain sa Nimfa.)
Nimfa: Arraay! Nasasaktan ako. Saan mo ba ako dadalhin?
Rick: Saan pa? Eh di kung saan ka nababagay. Sa presinto, ulol. Tingnan natin kung makapanggantso ka pa dun. (Kakaladkarin si Nimfa.)
Nimfa: Teka, teka. Sira ulo ka. Bitiwan mo ako! (Kakagatin ang braso ni Rick.)
Rick: Araaay! Punyeta ka! (Mabibitawan niya si Nimfa.)
Nimfa: Sige! Subukan mo pang lumapit, sisigaw ako ng “rape”.
(Biglang tutunog ang cell phone ni Rick. Tatakbo palayo si Nimfa.)
Rick: Hoy! Bumalik ka dito, unggoy! (Kukunin ang cell phone sa bulsa.) Oh god! Oh god! This is it. Canada here I come! (Sasagutin niya ito. Magalang. Mahinahon.) Hello. Good afternoon, sir. Yes. This is Rick. What can I do for you? Ha? (Manlulumo.) What do you mean I failed the psychological exam? (Pause.) Sir naman. I left my first job for this. And you promised me… (Pause.) Hey! What do you think of me, sira ulo? You’re the one who’s sira ulo, not me! (Pause.) Damn you! Punyeta! (Ihahagis ang cell phone. Mangiyak-ngiyak. Mapapapa-upo si Rick.)
(May mapapadaan at maghuhulog ito ng barya sa lata. Aalis. Hahagulgol si Rick.)
—
Chris David F. Lao is taking up BA English-Creative Writing in UP Mindanao.