Pag-asa ng Drug Pusher sa Davao

Play by | July 14, 2013

Mga Tauhan

FRANZ Maranan: 22, binata. Medyo mahaba ang buhok at may kaunting balbas.

GNG. MARANAN: 55, ina ni FRANZ. Naka-pusod ang buhok. Naka-salamin at may pagka-pormal ang damit.

PULIS: 40, lalaki

DDS: lalaki, mahigit 30, naka-itim na balat na jacket at maong na pantalon. Maayos ang suklay ng buhok. Magalang sa pananalita.

Mga NARS, ibang pasyente at bisita sa loob ng ward

Tagpo: Sa ward ng isang pampublikong ospital sa Davao City, takip-silim.

Magaganap ang kabuuan ng dula sa loob ng isang araw

Walang malay na nakahiga si FRANZ sa kama, walang damit pang-itaas, ngunit may duguang benda sa tiyan. Abalang pumaparoo’t parito ang mga NARS sa ward, inaatupag ang ibang pasyente.

Papasok si GNG. MARANAN at ang PULIS.

PULIS: Sa tiyan siya banda natamaan ma’am, pero wala man siya maano sabi ng doktor.

GNG. MARANAN: Asan niyo siya nakita, sir?

PULIS: Sa Boulevard, ma’am. Nakatanggap man gud kami ng tip na meron na naman diyan banda… Swerte yang anak niyo ma’am ba, patay gud yung dalawa niyang kasama.

GNG. MARANAN: Salamat, sir.

(lalabas ang PULIS)

(tititigan ni GNG. MARANAN ang binata, bakas ang pag-aalala, pagka-irita at dalawang taong pangungulila sa mukha.)

(manunumbalik ang malay ni FRANZ. Magugulat at maiilang siya pagkakita sa ina.)

FRANZ: Mang…

GNG. MARANAN: (pagod. Bubuntong hininga.) Kelan ka huli nagpagupit, ha Franz? Kapangit na niyang buhok mo, o..

FRANZ: (mapapapikit sa irita) …Asan sila papang?

GNG. MARANAN: Nasa-opisina. Si ate mo din. (uupo sa tabi ng kama. Kapos sa salita) ‘yan, ano na nangyari sa iyo?

FRANZ: (hihiga patalikod sa ina. Sa sarili) Magsesermon na naman. (sa ina) Ano sa tingin mo?

GNG. MARANAN: (hirap) Ayusin mo gud yang sarili mo, dong! Mabuang na kami lahat kakahanap sa ‘yo sa dalawang taon na nawala ka, nag-uwi pa gani galing Saudi si kuya mo!

FRANZ: (pauyam na hahagikhik) Kataw-anan, hanapin niyo lang pag-wala…

GNG. MARANAN: (maiirita) Tignan mo gud yang pag-iisip mo kung tama ba… Kay bakit ka man din namin hanapin kung nandiyan ka lang! Ambot sa iyo, dong… Binigay man namin ni papang mo lahat ng makaya namin ba. Lalo na sa iyo! Si kuya mo sa UM lang intawon namin napadala, si ate mo sa SPC lang. Ikaw, sa Atenyu na kamahal! Nasangla ko na ang singsing ko, si papang mo gibaligya na ang kotse, para pa lang sa unang dalawang taon mo. Sus, mabuti na lang nagtaas ang posisyon naming dalawa sa trabaho, tapos nag-kusa din sina kuya’t ate mo magbigay. Pero ano napala namin? Ito!

FRANZ: Ganun lang? Magaling na kayong magulang dahil lang dun?

GNG. MARANAN: (lalakas ang boses) Kay bakit!? Ikaw, may nabigay ba sa amin kahit kailan!? Ha! Swerte ka dong kay bunso ka, madami ka nakuha. Maawa na gud ako kina kuya mo kay kahit kita gud nila na mas nakalamang ka, wala gyud sila nagreklamo. Pero anong nangyari? Ito! Mag-graduate na sana, naglayas pa! Wala gyud kami nakuha sa iyo, dong! Wala!

FRANZ: (bubuntong hininga. Sa kawalan) Wala ka man talaga makuha sa buhay…

GNG. MARANAN: (medyo mabibigla. Bibigyan ng kaunting pagkakataon ang anak.) …Pero sige daw, ano man ginawa mo sa dalawang taon?

FRANZ: (Medyo mabibigla rin sa tanong ng ina. Matapos ang sandaling katahimikan, uupo.) Alam mo man siguro no na nagsimula ako mag-bato nung 3rd year ako, ‘no?

GNG. MARANAN: Nito na lang, nang mapansin ni papang mo na malaki pala ma-ipon namin sa isang buwan sa sweldo niya.

FRANZ: (hahagikhik) Okay gud mag-bato kung taga-Ateneo ka, kay kalapit lang ng boulevard. Ayun, pagka-fourth year ko gi-alok ako nung suki kong pusher na magsimula mamaligya. Sabi ko payts, pero wag dito sa Davao, puchaks ka-delikado dito uy. Gusto ko na din mag-labas ng Davao, uy –buong buhay ko na lang nandito ako, sa ibang lugar naman, mag-explore ba. Ayun, sa Cotabato ako gidala, nandun man daw sentro nila. Doon na ako nagsimula mamaligya. (itataas ang kamay at titingnan ang kumikinang na Rolex. Hihingang malalim.) Kasarap lagi uy, grabe ang kita! Sobra pa sa pang-bato ko! Kaya pala ganun na lang kayo ka-obssessed sa trabaho ‘mang, na parang iyutin niyo na trabaho niyo-

GNG. MARANAN: Yang bunganga mo!

FRANZ: (tatawa) Huli na para mag nanay-nanayan ka ‘mang, gago na ako. (tatawa ulit) Ayun nga, malakas masyado bentahan dun sa Cotabato – nakiki-porsyento man gud daw kay bossing yung mga muklo na nakaupo, kaya walang problema sa mga pulis. Di kagaya dito, puchaks, i-buwaya ka na gani, iligpit ka pa. Ayun lagi, sa lakas ng benta ko dun, na-promote ako – maniwala ka mang, napromote ako? (tatawa)

GNG. MARANAN: (hindi alam kung matutuwa o maiinis) Ay ambot sa iyo dong!

FRANZ: Bahala ka ko kung maglagot ka man, basta ako ka-proud ko nun ba. Nagbunga ang effort ko, mang! Gigawa akong parang dealer sa isang buong baranggay! Sus, pusher lang gud ako yung una, pero kung dealer ka man gud, sa iyo nagakuha ng supply ang mga pusher, tapos ikaw tanggap ka lang sa bossing ng ginaangkat niya. Igo ka lang magpatong! Basta, ganun. Malapit na gud sana ako maka-ipon ng pang-kotse! Tapos kay naligpit man yan si Pugak – yung suki kong pusher. Ayun, gipabalik ako sa Davao ni bossing three months ago, para magsunod na dealer sa boulevard. Mga gago man gud daw mga pusher niya dito sa Davao, wala siya mapagkatiwalaan. Kahit pala sa mga gago, may gago din! (tatawa) Magbalibad sana ako kay delikado lagi, pero mahiya man din ako kay bossing, so gitanggap ko na lang. Ayun na, na-raid kami kanina, himala kay buhay pa ako! Malakas ang bentahan pero puchaks, delikado ma uy..! Yung mga kasama ko daw?

GNG. MARANAN: Patay lahat.

FRANZ: Matagal nga mamatay ang masamang damo. (tatawa) Tapos kayo? Na-ano na man kayo? Si papang? Si ate?

GNG. MARANAN: (mawawala ang pagkatulala sa anak) Aw, si papa mo, ayun, mataas na posisyon sa opisina nila, konti na lang, city engineer na siya. Ako, principal na sa atin sa Buhangin. Dalawa na anak ni kuya mo sa Saudi ba, babae ang bunso. Bago lang gani sila nag-uwi ulit. Si ate mo ikasal na sunod buwan.

FRANZ: O? Sino asawahin ni ate?

GNG. MARANAN: Ay, yung kaklase mo, si Arvin.

FRANZ: Puchaks, si Arvin!? (tatawa) Pano sila nagkatuluyan ni ate!?

GNG. MARANAN: (mabubuwag ang pader sa pagitan nilang dalawa) Ay nung naglayas ka, nagtulong man yun siya sa amin na hanapin ka. Ayun, nadevelop sila ni ate mo.

FRANZ: (tatawa) Buanga uy! Kumusta na si Arvin? Ha! Kumusta na kaya lahat ng mga kaklase ko sa BM noon?

GNG. MARANAN: Ay si Arvin, Manager man yun sa tindahan dun sa Abreeza. (pauyam) Alam mo na yung kaklase mo na si Dwight, konsehal na?

FRANZ: (tatabisan ang ina) Narinig ko bitaw. (hahagikhik. Tititig sa kawalan ng buhay) Ka-hayahay siguro nila ‘no? Gina-enjoy na nila ang buhay na pinag-desisyunan ng mga magulang nila..!

GNG. MARANAN: (tahimik na magugulat.bubuntong hininga ng puno ng pagsisisi) … ‘yan ba..?

FRANZ: (aakalaing ang igsi ng sagot ng ina ay pagmamaliit, at magagalit. Lalakas ang boses) Bakit ang tao pag naging magulang akala mo na kung sino, na ang lahat ng gawin niya mas importante pa sa lahat!? (Kakapusin sa salita) Grabe gud kayo kakuripot sa oras niyo noon, ‘mang! Halos puro na lang gud pangasaba ang pansin niyo sa akin: “ayusin mo yang buhok mo,” “maglakad ka ng tama,” “bakit bumagsak ka na naman!?” “hindi ka na nahiya kay kuya mo!?” Mabuti sana kung labas niyang yawyaw niyo, hayaan niyo ako gawin gusto ko! Pero buong buhay ko giplano niyo na! Mang, hindi ko gigusto mag-BM. Kayo lang man ni papang gusto mag-BM ako. Pati yung si ate, alam na ayaw ko mag-BM. ‘tang ina, gikuha niyo na gani ang kalayaan ko magdesisyon sa buhay, tapos ayan na parang wala lang sa iyo! … Ngayon o, nagkandaletse-letse na ang buhay ko – putang ina, dealer ako ng bato ‘mang. Pero nabubuhay ako! Masaya ako! Sa bahay noon, wala akong buhay.

(biglang mapapahawak siya sa gilirang naka-benda, halatang nasasaktan. Natarantang aakayin siya ng ina pahiga. )

FRANZ: (kasing lakas pa rin. tatawa) Buanga, ‘no, wala pa ako namatay! (hahawak uli sa giliran) Walang pulos ang buhay: kung may natutunan man ako sa dalawang taon, ‘mang, yan yun. Walang pulos ang buhay. (bubuntong hininga. Mas malumanay) may bata ako nakilala noon sa Cotabato, sa silingan namin, nagabaligya lang ng sampaguita sa daan – ewan asan yung nanay-tatay ng batang yun. Masaya masyado kung makaipon ng malaki. Minsan, nung una siya nakasinkwenta, gilibre ako ng coke. hindi ko sana tanggapin, pero nagalit man, unang libre daw niya yun, bastos daw kung tanggihan ko. (tatawa) Natuwa lang ako, grabe makasikap. Tapos ayun, nasagasaan isang araw ng motor, dead on arrival. ‘Puchaks, Walang pulos ang buhay. (mapapahawak ulit sa kumirot na sugat. Matataranta ulit ang nahahabag na na ina. Mas malumanay, nakangiti) Pero okay din baya. Kahit wala ako pakialam sa sarili ko nitong dalawang taon –bahala na mabaril ako, o magripuhan ba. Naramdaman ko man din na malaya ako, uy. Bitaw, okay din… (pipikit)

(magsisimulang umiyak ang ina. Mapapadilat si FRANZ at siya naman ang matataranta)

GNG. MARANAN: ‘nak, pasensya na talaga. Grabe, kasama naming ginikanan ni papa mo. Pataka-pataka akong sabi sa mga teacher dun sa Buhangin High na huwag sakalin ang estudyante nila, na ako mismo nakalimot sa kalayaan mo – hindi, sa kalayaan niyo, sigurado ako pati sila ni kuya mo nasakal din sa amin. (kukunin ni FRANZ ang kamay at ito’y hahalikan) Angkin-angkin kami na lahat ginabigay namin sa inyo, na kahit kalayaan mo intawon, hindi naman mabigay. (hahagulgol. yayakapin ang anak at hahalikan ang noo nito) Di ba noon gusto mo mag banda-banda? Ay ‘nak! Kagandang pangarap sana. Bakit man kita pinigilan!? Kay walang pera!? Ay katangang rason! Sa droga may pera, pero tama ba yan!?

(May matatanto si Franz. Bigla siyang iiyak ng tahimik.)

FRANZ: (halos kapusin ng hininga sa iyak) Sorry ‘mang. Sorry talaga sa lahat.

GNG. MARANAN: (yayakapin ang anak) Tahan na, tahan na. Nagkamali tayo lahat: nasakal ka din talaga namin. Pero tapos na lahat yun, umuwi ka na! Makapagsimula ulit tayo!

(biglang manglilisik ang mata ni FRANZ: maaalala niyang siya’y nasa Davao)

FRANZ: (takot at natataranta) ‘Mang, ayoko mamatay ‘mang! ‘Mang! Gusto ko pa mabuhay! (lilingon lingon) ayoko pa mamatay, ‘mang!

GNG. MARANAN: (malilito. Biglang masisindak: mauunawaan niya. Yayakapin ang anak. Matataranta) Hindi anak, hindi ka mamamatay! Hindi ako magpayag! Hindi! May pag-asa pa tayo! Mabubuhay ka pa! (Tatayo. Medyo taranta pa rin) Teka, may mga kilala si papang mo sa taas, baka pwede niya kausapin. Ako din, baka makausap ko yung si Konsehal Norberto, active man kami nun sa DepEd. At si Dwight, yung kaklase mo! Tawagan ko din si ninong mo Alex. Siya na man ang police chief ng Davao. (yayakapin ulit si FRANZ) Oo, mabubuhay ka, ‘nak. Hindi ka maano, hinid ako magpayag. Babalik tayo sa bahay! Nandun pa yung gitara mo sa kwarto mo ba, araw-araw ko ginalinisan. Maganda pa man daw ang tunog sabi ni papang mo. Tapos di ba naga-offer man daw ng music ang Silliman sa Dumaguete? Kung gusto mo, may makausap ako sa CHED, kuhaan ka natin ng scholarship doon. Tapos ikakasal si ate mo! Mag-barong ka ‘nak! (hahalikan ang noo ng anak)Mag-uwi din si kuya mo, makita mo na mga pamangkin mo… marami ka pang gagawin ‘nak!

(mapapalagay na ng kaunti si FRANZ. Ihihiga siya ng ina)

GNG. MARANAN: Pahinga ka muna sandali. Subukan ko na tawagan si ninong mo. Labas lang ako ha, wala man gung signal dito sa loob ng ospital.

FRANZ: Sige, ‘mang.

(aktong lalabas na si GNG. MARANAN)

FRANZ: ‘Mang (mapapatigil ang ina)

GNG. MARANAN: (lilingon) ‘nak?

FRANZ: Salamat

GNG. MARANAN: (ngingiti) Sige, pahinga ka na. (lalabas)

(hihiga si FRANZ. Hihingahin niya ng malalim ang hangin ng bagong buhay at pag-asang nag-aantay sa kanya. Mapapangiti siya, at pipikit)

(papasok ang kasapi ng DDS. Walang ekspresyon ang mukha niya. May hawak siyang martilyong pampanday)

(mapapansin siya ng isang NARS at lalapitan siya nito)

NARS: Sir, sino po?

DDS: Saan si Maranan? Franz Maranan?

NARS: (ituturo si FRANZ) Yun po sir.

(mabilis na mangyayari ang lahat: magalang na patatabihin ng DDS ang NARS, at tutungo siya sa tabi mismo ng kama ni FRANZ, isasara ang tabing na pumapalibot sa kama – pawang silweta na lang ang makikita. Magigising ang binatilyo sa pagkakarinig ng pangalan, ngunit bago ito makakilos, nasa tapat na niya ang DDS at nakasara na ang tabing sa palibot niya. Marahas na ipupukpok ng DDS ang martilyo sa may kuko nito ng paulit-ulit sa mukha ni Franz, hanggang sa wala nang kilos ang binatilyo. Hindi na siya maabutang buhay ng ina)

(lalabas ang DDS mula sa likod ng tabing, pinupunas ang dugo mula sa makintab na jacket gamit ang panyo. Mapupuna nitong nakatitig sa kanya ang lahat ng NARS, pasyente at bisita sa ward.)

DDS: Napag-utusan lang po. (Itatapon ang panyo sa kama. lalabas)

Telon

Born in Kidapawan, Karlo Antonio G. David was a fellow at the 2011 Iyas Creative Writing Workshop in Bacolod and the 2012 Silliman National Writers Workshop in Dumaguete. He is a regular contributor to Dagmay.

2 thoughts on “Pag-asa ng Drug Pusher sa Davao”

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.