Taun-taon, inaabangan ng maraming empleyado ang bakasyon tuwing Disyembre. Masaya kasi. Masarap gumala. Maraming atraksyon sa paligid. Kabi-kabila ang handaan sa tahanan ng mga kaanak at kaibigan. At higit sa lahat, maraming pera mula sa bonus at 13th month pay. O ‘di ba, ang sarap lang sa bulsa!
At isa ako sa mga nasasabik na gumala. Isa ako sa mga nasasabik na gastusin ang laman ng aking ATM card. Minsan lang kasi itong magkalaman ng ganito kalaking halaga, kaya nanamnamin ko na. Isa ako sa mga nasasabik na magtampisaw sa dagat o ‘di kaya’y gumala nang gumala sa iba’t-ibang lugar. Kahit na sabihin pang dito lang sa Pilipinas, gala na ring maituturing ‘yon. Isang linggo bago ang bakasyon ay nakaplano na ang mga dapat kong gawin. Nakatala na sa aking tala-arawan ang mga lugar na gusto kong puntahan sa bakasyong ito. Labindalawang araw din ang aming bakasyon. Mahaba-mahaba rin ‘yon. Tamang-tama rin ang laman ng aking account para sa gala ko.
Disyembre 22. Opisyal na nag-umpisa ang aming bakasyon. Ngunit heto pa rin ako at may tinatapos na gawain. Hindi pwedeng ipagpaliban at lalong hindi pwedeng abutin ng bagong taon. Kailangang maihabol para umabot sa huling araw na palugit. Sige lang, kakaumpisa pa lang naman eh, may mahigit isang linggo pa.
Disyembre 23. Ang aga kong gumising para ihatid ang mga gawaing tinapos kahapon, sa pag-aakalang iiwan ko na lang ang lahat at pwede na akong magpakawala. Ngunit inabot na ako ng alas-tres ng hapon ay hindi pa ako nakaka-uwi dahil ang dami pang dapat baguhin sa aking mga ginawa. Ang dami pang idagdag at ang dami pang dapat tanggalin. Porke’t hindi dapat ganito at hindi dapat ganyan. OK fine, sayang na ang dalawang araw na nakaltas sa aking bakasyon.
Disyembre 24. Wala nang tawag mula sa opisina at lalong wala nang naka-antabay na dapat gawin. Ang sarap gumising nang alas-diyes ng umaga. Kay tagal ko nang hindi nagagawa ito, yung tipong gigising ka dahil pagod na ang mga mata mo sa kakapikit at hindi dahil tumutunog na ang alarm na kay sarap itapon. Hindi muna ako gagala dahil panahon muna para sa pamilya. Ang tagal kong naligo, ang sarap pala ‘pag tipong hawak mo ang oras kung gaano ka katagal maligo. Hindi yung dapat 15 minutes ka lang talaga, kung hindi ay mahuhuli ka na. Namili ako ng mga lulutuin ko sa bahay, nakagawian ko na kasing magluto sa tuwing umuuwi ako sa amin. Paminsan-minsan lang din kaming magkakapatid nagkakatipun-tipon kaya lulubusin ko na ‘to. Bago ako umalis sa inuupahan kong lugar ay inihanda ko na ang bag at mga gamit na dadalhin ko para sa susunod na araw. Ito na ang gala ko. Talagang gala na ito!
Disyembre 25. This is it. Pero habang naghahanap ako ng tiyempo para makaalis na ay siya namang paglambing sa akin ng aking ina na samahan ko muna sila ni itay sa ospital. Papa-check-up daw muna. Matagal na rin daw kasi ang dinaramdam niyang sakit sa kanyang likod at tuhod. Sige, bilang ulirang anak. Ang sama ko naman ‘di ba kung uunahin ko pa ang mga gala ko. Kaya ‘yun, ikot dito, ikot dun sa ospital. Akyat dito, akyat dun. Hanapin mo si Dok at kung sinu-sino pang mga dapat kausapin. Kakapagod. Teka, ilang araw na lang ba ang natitira sa bakasyon ko? Hindi bale, kaya pa yan.
Disyembre 26. Akala ko pwede ko nang simulan ang aking paggagala. Hindi pa pala. Kailangan pa naming bumalik ng ospital para sa mga resulta ng napakaraming eksaminasyon. Kaya bilang isang ulirang anak ulit, sinamahan ko na naman ang aking mga magulang. At natapos na naman ang araw na hindi ako nakakagala.
Disyembre 27. Umagang-umaga ay hawak ko ang kapirasong papel na naglalaman ng mga reseta ng doctor para sa aking inay. Ang dami na palang sakit ni inay. Ang dami na niyang dinaramdam sa kanyang katawan. Ang dami na ng hindi normal sa kanyang dugo. Kaya kasabay nito, ang dami na rin ng mga gamot na dapat niyang inumin para maibalik sa balanse ang lahat. Hindi ko mabasa ang sulat-kamay ng duktor pero alam kong mahal ang mga ito. Alam kong kapag binili ko ang mga ito ay talagang hindi na ako mamumrublema kung paano ko uubusin ang laman ng aking ATM card.
Disyembre 28. Nabili ko nang lahat ng gamot ni inay. Nagpasiya na rin silang umuwi ng probinsya ni itay. Niyaya pa nga nila akong sumama eh, pero nagpaiwan ako. Hindi ko na kayang gumala. Gustuhin man ng utak at katawan ko ay hindi na kaya ng bulsa ko. Matapos kong mabili ang lahat ng mga dapat bilhin ay tanging isang libo ang naiwan sa pitaka ko. Hindi na kaya. Kinahapunan ay pumunta ako ng department store upang mamili ng mga de-lata at iba pang pantawid gutom.
Disyembre 29. Heto, sa harap ng isang tasang kape at isang hiwa ng banana cake ay nagmumukmok ako at pilit sinusulat ang naganap sa aking buhay ngayong bakasyon. Bawal na akong gumala, bawal na akong manood ng sine, bawal na ang dumalo sa mga parteh-parteh! Bawal na raw, sabi ng bulsa ko.
May apat na araw na natitira bago opisyal na bumalik sa trabaho. Pero dinarasal ko na sana bukas ay balikan na. Wala na akong magawa. Kanina, naglaba ako, naglinis ng tinutuluyan kong bahay, naghanda ng mga gagamiti sa trabaho at kung anu-ano pa para lang patayin ang inip at oras. Para lang hindi ako makalabas at makagastos na naman.
May apat na araw pa ng aking bakasyon at may dalawang araw pa bago magbagong-taon. Hindi ko alam kung paano at kung saan ko ito sasalubungin. Isa lang ang sigurado ako, sasalubungin ko itong nakangiti ako at nakangiti rin ang aking bulsa at ang aking pitaka. Kanina nga pala ibinalik ko na sa aparador ang mga inempake kong gamit. Ang saya ng bakasyon ko ‘di ba?