Anak ng tupa.
Nagbabasa ako ng kanilang mga tula
at wala akong magawa
kung hindi ang humanga
sa indak ng mga salitang
lumilikha ng paraiso dito sa lupa.
Wala akong ganyang kakayahan.
Ni Katiting. Ni Daplis.
Ang alam ko lang ay magbasa
at humanga
at magbasa
at magmukhang kawawa.
Paano ba kasi nila
binuburda ang mga titik
upang makabuo ng tula
sa langit?
Saan ba kasi nila
kinukuha
ang indayog at kulay ng
kanilang salita?
Anak ng tupa.
Pagmumura lang ang aking magagawa.
Wala akong kakayahan.
Ubos na rin ang tinta ng aking mumurahing
bolpen.
Higit sa lahat
wala akong mahagilap
na totoo sa akin
Walang pag-ibig
Walang Ligaya
Walang Luha.
Ang tanging totoo lang
ay ang tulang kinatha ng iba
at hinding-hindi ko magagawa.
Anak ng tupa.
—
Si Djamyla ay apat na taong nag-aral sa Ateneo de Davao University, mahilig magbasa ng mga tula ngunit hindi (raw) marunong gumawa.
mukha kaung tanga baw