Nang Mauso ang Cellphone at Kompyuter

Nonfiction by | July 17, 2011

Mapagkandili sa akin ang Daang Boulevard, ang lunan ng aking kamusmusan, kahit na sabihing pugad ito ng mga lumpen at maralitang tagalunsod. Kaya sa taunang pag-uwi ko ng Dabaw upang bisitahin ang mga mahal ko sa buhay, ay di ko ito nakakaligtaang dalawin tulad ng pagdalaw ko sa matatalik kong mga kaibigan. Sa muli kong pangungumusta sa kanyang mga iskinita ay nakakatawag-pansin ang mga pisikal na pagbabagong nagaganap dito. Wala na ang munting kapilya ng Inang Laging Saklolo sa dati nitong kinatatayuan, na naging saksi sa kalikutan ko at sampu ng aking mga kababata tuwing Flores de Mayo at kapistahan nito. Ang mga simpleng bahay na gawa sa kahoy kundi man iginupo nang kabulukan ay hinalinhan na ng mga konkretong gusali. Naglaho na rin ang mga hahapay-hapay na tulay na umuugnay sa mga kabahayan sa looban. Maging ang kaisa-isang malapad at lubak-lubak na kalsada na nagsilbing palaruan ng mga batang tagaroon ay pinakinis na ng aspalto at pinakitid ng pagbabago. Pakiwari ko tuloy lahat ng palatandaan ng aking kabataan ay sabay na naparam nang ako’y mangibangbayan. Inaamin kong ikinakikirot ito ng aking puso. Lalo na nang mapansin kong wala na ni isa mang laro namin noon gaya ng taguan, tumbang-preso, syatong, piko, sungka at marami pang iba ang nanatili sa hanay ng mga bagong sibol.

Wala sa bokabularyo ko ang mga katagang pagkabagot at pag-iisa noong aking kasibulan. Malimit kinasasabikan ko ang mga araw na walang pasok sa eskwela. Pagkat buong araw akong nakakapaglaro. Ako at ang aking mga kaibigan ay sama-samang tumutuklas ng mga karaniwang bagay sa paligid na ginagawa naming laruan. Bago yata naimbento sa Kanluran ang trotinette na yari sa bakal at aluminyo ay nalikha na namin ito gamit ang pira-pirasong kahoy, pako at bearing bilang gulong. Minsan nama’y nagpapaligsahan kami sa pagpapagulong ng mga sirang gulong ng awto o di kaya’y ng bisikleta na napulot namin sa kung saan. Halos kulangin ang buong araw sa pakikisalamuha ko sa kapwa bata.

Kapag kabilugan ng buwan at walang pasok sa eskwela kinabukasan ay hudyat ito sa aming mga bata na magtipon at maglaro ng bulan-bulanay, kung saan gumuguhit kami ng isang malaking bilog tulad ng buwan o bulan sa lupa, na siyang espasyong ginagalawan ng buong grupong kalahok sa laro habang ang napiling taya ay umiikot-ikot sa bilog na ang layuni’y makahipo ng isa na siyang hahalili sa kanya’t magiging susunod na taya. At kung walang ganang maglaro ay nakaupo lamang kami sa tabi ng kung kani-kaninong sari-sari store upang magkuwentuhan tungkol sa mga duwende, engkanto, tikbalang, mantianak, santelmo at kung anu-ano pang kathang-isip na narinig namin buhat sa mga matatanda o di kaya’y sa radyo. Maging ang tradisyong ito ay nabaon na rin sa limot.

Kay laking kawalan kung tutuusin ang pagkawala ng mga larong-bata sa isang komunidad gaya ng sa Daang Boulevard. Unang-una, mga simpleng laro itong di nangangailangan ng pera. Ngunit nakapagbibigay sigla’t nakapagpapalago ng imahinasyon at pagkamalikhain ng bawat isa. At pangalawa, sa pamamagitan ng pakikihalubilo ay nalilinang ng bata ang pag-unawa sa kapwa na magiging bukal ng kanyang kognitibo at panlipunang pag-unlad.

Nang mauso ang cellphone at kompyuter halos nahumaling ang karamihan, bata man o matanda, sa mga bagay na ito. Pati na ang pinakamahirap sa komunidad ay di nakaligtas sa tuksong umangkin at magpaangkin sa mga bagong teknolohiyang bagama’t nagpapabilis ng komunikasyon ay nagpapatamlay lamang sa diwa ng pakikipagkapwa.

At kung may tunog man akong mauulinigan sa tuwing dinadalaw ko ang aking mga kababata at dating kalaro, ito’y di ang salit-salitang pagsayad ng mga tsinelas sa lupa at ang pagtaginting ng tuping lata ng Alpine o Milkmaid na sinasaliwan nang halakhakan at tuksuhan ng mga paslit kundi ang maya’t mayang pagbulahaw ng dooootttttttt…krinnnnggggg…doooottttttt…krinnnnnggggg…sa paligid na banyaga sa aking pandinig.

–-
Edgar Bacong finished AB Sociology at the Ateneo de Davao University and now lives in Zurich, Switzerland

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.