Cobi

Fiction by | July 17, 2011

Nakilala ko si Cobi noong ako’y anim na taong gulang pa lamang. Kaklase ko siya sa kindergarten at siya ang pinakamalapit sa akin. Bata pa lang ako noon, pero may nararamdaman na akong pagtingin sa kanya. Iyon bang pag di siya nakatingin sa akin ay sa kanya ko pinapako ang mga mata ko. Pag nahuli niya ako ay dinidilaan ko siya kasabay bubulungang “pangeeettt!”. Tapos tatawa lang siya. Ganoon datya’t nami-miss ko iyon kapag walang pasok kaya naman parang parusa sa akin ang bawat araw ng Sabado at Linggo. Noon lang iyon.

Keychain na sapatos. Isang keychain na sapatos ang iniabot ko sa kanya sa araw ng paglisan niya. Ibabalot ko sana iyon ng papel pero baka di ko na siya maabutan sa paaralan. Matulin ang takbo ko para lang mahabol ko ang regalong ito na bigay pa sa akin ng nanay ko noong umiyak ako sa palengke mabili lamang ang keychain na iyon.

Ngumiti siya. Dahan-dahan. At isa pang segundo ay niyakap niya ako at binulungan akong: “pangeeettt!” Halatang luma raw ang binigay ko, at may kagat pa ng daga. Iyon lang at bumitaw na siya sa pagkakayakap sa akin.

Napanganga ako nang makita ko ang keychain na sapatos na hawak ni Irish habang naghahanda para sa pang-beinteng kaarawan ng kanyang pinsan na si Jacob. Iyon daw ang paboritong laruan ng kanyang pinsan noong bata pa siya. Pamilyar sa akin iyon: isang pughaw na gawa sa gomang sapatos. Tama! Si Cobi si Jacob! Siya iyong hinihintay ko na labing tatlong taon na ang nakaraan. Pero bumalik ang isipan ko sa piging na iyon. Tinitigan ko si Jacob. Si Jacob na sampung buwan nang nanliligaw sa akin at anim na beses ko ng binasted, dahil sa pag-aakalang si Cobi ang nakalaan sa akin.

Siya pala si Jacob!

“Friend okay ka lang ba?” tapik ni Thea sa akin na parang nakatandang pananong ang mukha.

“Oo naman, kumain na ako”, ang tangang sagot ko.

Umabot ng isang taon at kalahati na ang relasyon namin ni Jacob. Hindi ko pa rin naitatanong sa kanya ang tungkol sa sapatos. Minsan tuloy naitatanong ko sa sarili ko kung saan ba ako in love – kay Jacob o sa nakaraan kong may kinalaman sa sapatos?

Minsan nakaipon ako ng lakas. Lakas na handing sabihin at itanong kay Jacob ang tungkol sa sapatos niya at lakas upang tanggapin ang kung ano man ang sagot niya. Sa mga oras na iyon gusto kong tanging ang boses lang niya ang maririnig ko. Napabuntong hininga siya.

“Sa tindahan ng mga Intsik ko nabili ang sapatos,” sabi niya.

Napangiwi ako. Hindi ko inasahan iyon.

“Talaga? Hindi ka dumaan sa kindergarten?”

“Hindi. Hindi ako dumaan sa kindergarten dahil matalino ako,” patawang sabi niya.

Pero bago ko ginawa ang mga pagtatanong na iyon, sabi ko sa sarili ko na pag di siya si Cobi ay wala ng dahilan pa upang ipagpapatuloy ang relasyon nami. Ngunit ngayon, kahit nalaman ko na na di siya si Cobi, parang walang nagbago. Parang mas mahal ko pa siya ngayon. Ngayon ko lang naisip na 21 na siya, pero 19 pa lang ako. Hindi kami magka edad at isa pa sa divisoria ko lang nabili ang sapatos kaya maari palang may kapareho din iyon.


Sheena is a 3rd year student of Saint Peter’s College of Toril, taking up Bachelor in Elementary Education.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.