Pugay Kamay!

Nonfiction by | April 24, 2011

Minsan naitatanong ko sa sarili ko at sa Diyos: May dapat ba akong ipagpasalamat sa buhay?

Teka, meron nga ba?

Kung sa bawat sikat ng araw sa umaga, ang dapat mong isipin ay kung paano ka kikita at mabubuhay. Na kahit anong paghihirap mo ay parang pinaglalaruan ka lang ng tadhana ng buhay. Na sa lahat ng hirap na iyong dinanas mula pa pagkabata ay wala man lamang ginhawang natamo. Nagtagumpay ka nga, pero sobrang pagtitiis naman!

Haaayyyy! Masakit isipin pero iyan ang katotohanan ng buhay. Kailangan mong makipagbunuan sa bawat araw at kailangan mong maging matatag sa bawat sibat ng tadhana upang manatili kang nakatayo at kahit papaano ay nakangiti habang sinasalubong ang pagtatakip-silim.

Sa aking buhay ay maka-ilang beses na rin akong nakipagsapalaran. Makailang beses na rin akong umasa at nabigo at higit sa lahat makailang beses na rin akong nakipagharap kay KAMATAYAN.

Simula pagkabata ay namulat ako sa kahirapan ng buhay, na kailangan kong lumusong sa putikan para lamang makakain at mabuhay. Na kailangan kong kapalan ang mukha ko upang makapagpatuloy lamang ng pag-aaral at makapagpatuloy mangarap. Kailangan kong tatagan ang sikmura ko para hindi ito agad-agad sumuko sa ano mang kayaning mabili ng kakarampot na salapi. Mahirap, marahas, mapanukso—ganyan ang buhay sa mundo. Kung mahina ka, talo ka!

Magiging mapalad ka lamang kung hindi ka bibitaw at iilan lamang ang nakakayanang kumapit hanggang sa dulo. Karamihan sumusuko na at napapagod sa pakikipaglaban. Mas pinili nila ang baluktot ngunit madaling daan para sila magtagumpay. Ang iba naman nagpakatanga sa ngalan ng kabanalan at katarungan. Na kahit anong hirap man ang danasin basta’t alam na ito ang tama, kailanma’y hindi liliko ng landas.

At isa ako sa mga nagpakatangga!

Pero may gantimpala rin pala ang mga minsa’y nagpapakatanga. Dahil nanatili akong kumakapit sa kung ano sa tingin ko ang tama, masasabi kong ito ang naging dahilan para makapagpasalamat ako sa lahat ng mga tinatamasa ko ngayon.

Ayon nga sa gasgas nang kasabihan—“sa likod man daw ng madilim na ulap ay may araw pa ring sisikat.” Ngayon masaya ako sa naging takbo ng aking buhay. Masaya ako na nakapagtapos ako sa aking sariling pagsisikap at nakakuha ng isang marangal na trabaho. Masaya ako na nagkaroon ako ng isang pamilya na syang umaagapay sa akin sa tuwing ako’y nadarapa. Masaya ako na mayroon akong mga kaibigang handang makihalakhak, makiluha at mangaral sa akin. Higit sa lahat, ang tunay na bumubuo sa aking buhay ngayon ay ang aking mga mag-aaral na parating nagbibigay ngiti sa akin. Mga mag-aaral na patuloy na nagtuturo sa akin ng mga aral ng buhay na kailan ma’y di mo mababasa sa anumang aklat. Mga mag-aaral na itinuring ko na ring pamilya ko at hindi ibang tao. Sila ang bumubuo sa akin, sila ang nagbibigay lakas at sila ang dahilan sa patuloy kong pagharap sa panibagong hamon sa bawat bukang-liwayway ng aking buhay.

Sa pagbabalik-tanaw, ang tanging masasabi ko ay: oo, napakarami ko nga palang dapat ipagpasalamat—sa Buhay, sa Mundo, at higit sa lahat sa Panginoon.


Ruel Marcella Soriano teaches at the ADDU college and high school departments.

Leave a Reply

Your email address will not be published.

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.