Ang Taboan Writers Festival 2011 at ang manunulat na Higaonon/lumad

Nonfiction by | March 13, 2011

Ang Taboan Writers Festival 2011 ang pangalawang pagkakataon kung saan narinig ang naratibong Higaonon/lumad sa isang uri ng pagtitipong may pambansang malawakang saklaw. Ang pakikibahagi ko sa ganoong uri ng pagtitipon ay bahagi ng panimulang artikulasyon ng Higaonon/lumad, sa larangan ng panitikan, sa naratibong kaakibat ng kanyang pag-iral sa panig na ito ng sansinukob.

Isang magandang pagsalubong ng taon ang pagbibigay-diin sa panitikang lumad sa Taboan 2011 nitong nakaraang Pebrero 10-12. Tinitingnan ko ito bilang isang palatandaan na kahit pa sa gitna ng lahat na di kanais-nais na nangyari at nangyayari sa mga tribung lumad, hindi mababalaho sa ganoong kalagayan ang pakikisangkot ng lumad sa paghuhubog ng pambansang naratibo. Bagaman sa aktuwal na kumperensiya’y iisa lamang yata akong kumatawan sa panitikang lumad.

Sadyang mahalagang bigyang-pansin sa kasalukuyan ang panitikang lumad. Kung tutuusin, hindi pa man umiiral ang entidad na “Pilipinas” at ang pagkamamamayang “Filipino”, matagal nang umiiral ang panitikang lumad. Sa ngayon, ang palatandaang naiwan nito ay ang mga epikong nagsasalaysay sa pakikipagsapalaran ng mga bayaning kagaya nina Agyu, Sandayo at Tuwaang. At mababakas din sa mga anyo ng panitikang lumad na kagaya ng limbay, idangdang, dasang/salusambal/panangensangen, antoka, nanangen at iba pang anyong pampanitikan na nabura na o di kaya’y kasalukuyang nabubura na sa mukha ng kasaysayan.

Ang Taboan bilang isang katutubong anyo at lunan ng kalakalan ay isang magandang lunan sa muling pagsasalaysay ng naratibong lumad. Sapagkat mula sa pakikihalubilo sa mga mangangalakal at iba pang tauhan sa mga Taboan, umunlad ang mga naratibong lumad na nagpasalinsalimbibig na ngayo’y nagsisimula nang mailimbag. Kung babalikan ang kasaysayan, mapag-aalaman na noon pa man ay mayroon nang mga Taboan sa mga banuwang kagaya ng Himologan/Kalambagohan/Kagayhaan (ngayo’y Cagayan de Oro City), Tagoloan, Butuan, Simuay, Jolo, Sarangani, Samboangan (Zamboanga ngayon), Davao atbp. banuwa na madalas ay nasa wawa ng malalaking ilog na nakakarating sa dagat. Ang mga ganitong banuwa noon ang tinatawag ng aming mga buuy bilang telugan/tulugan/talugan.

At dahil hindi naman bago sa kamalayang lumad ang konsepto ng Taboan, naging matiwasay naman ang pakikipag-ugnayan ng manunulat na ito sa kapwa manunulat na nagmula sa iba’t ibang rehiyon ng bansa at sa ilang manunulat na mula naman sa ibang bansa ng Asya. Hindi nga bago ang ganitong pakikipag-ugnayan sapagkat noong mga panahon ng kasagsagan ng mga paglalayag ng mga korakoras/caracoa/balangay ng mga buuy na lumad, nakakarating din naman sila sa ilang panig ng kasalukuyang Pilipinas at sa ibang panig ng Asya.

Kaya sa Taboan 2011, sinikap ng manunulat na ito na buhayin ang diwa ng malayang pakikipagugnayan sa ibang lahi na kagaya nang ginawa noon ng kanyang mga ninuno. At doon nga’y nagkaroon ng pagkakataong makatalamitam ang mga kapitbahay na Cebuano/Bisaya, Karay-a, Hiligaynon at Waray. Gayundin ay nakipagtalakayan sa mga tagahilaga na mga Tagalog, Bicolano, Ilokano at Pangasinense. At sinubukan ding magdilang-banyaga upang makakuwentuhan ang taga-Hongkong na si Xu Xi, ang Australyanong Sikh na si Chris Mooney Singh at ang maybahay niyang Indian na taga-Singapore na si Savinder Kaur.

Sa pag-umpisa ng kumperensiya noong Pebrero 10, kapansinpansin na ang kumpulan ng bawat mesa’y naaayon sa wika’t rehiyong pinagmulan ng mga delegado. Maliban na lamang siyempre sa mga magkakakilala na’t matagal nang magkakaibigan na mga manunulat (partikular yata ito sa mga mapuputi na ang buhok) na lohikal lamang yata din na magkukumpulan.

At dahil bihira lamang ako sa mga ganoong pagtitipon, nakikikumpol na lamang ako sa mesa kung saan may mga kapwa manunulat na nakasalamuha na sa ibang pagkakataon. At mula doon ay unti-unti namang nakipagkilanlan sa iba pang mga delegado ng pagtitipong iyon. Isa sa mga pinagkaabalahan kong gawin ay ang pakikinig sa iba’t ibang wika at naratibo. At matapos ang tatlong araw nang pakikinig at pakikisalamuha, napagtanto kong mas marami pa palang bagay ang nag-uugnay sa ating mga wika’t naratibo kaysa sa inaasahan ko noong una.

Sa gabi ng pagtatanghal ng mga tula, maliban pa sa Cebuano/Bisaya’y naunawaan ko rin ang ibang wika. Naunawaan ko ang pahimig na siday sa Waray ni G. Nemesio Baldesco, ang Kiniray-a ni Randy Tacogdoy at ang Bicolano ni Kristian COrdero.

At matapos ang mga huntahan sa kainan, natuklasan ko na may naratibong nag-uugnay sa amin ni Manong Juan Hidalgo, may mga salitang magkakalapit lamang sa pagitan ng Higaonon ko at sa Pangasinense ni Sonny Villafania at maging sa Ilokano ni Cles Rambaud.

Syempre, unawang-unawa ko at malapit sa akin ang Cebuano/Bisaya dahil ito ang aking pangalawang wika – ang lingua franca sa kinalakhan kong mga banuwa. At syempre, hindi na bago sa akin ang Filipino/Tagalog at Ingles na mula pa noong elementarya’y pumipilipit na sa aking dila/diwa.

At dahil nga Taboan, higit pa sa materyal na palitan ng salapi at mga aklat, nagkabentahan na nga ng mga ideya. At alam natin na ang ganoong tipo ng bentahan ay hindi kasimpayak ng pamimili sa palengke. Nagkakaroon pa ng mainit na mga diskusyon sapagkat madalas ay nagmumula sa magkakaibang uri ng pananaw sa daigdig. At syempre mababanaag sa mga pahayag kung saan ang lokasyon ng “sentro” at “gilid” ng pananaw na iminumungkahi (at minsan pa nga’y ipinamimilit sa iba).

Iyon ay dahil hindi lamang simpleng hindi pagkakasundo sa presyo ang napag-uusapan kundi pati ng kung ano bang produkto ang ibinibenta o ano ang mga kaakibat nitong pakinabang. Minsan pa nga’y kahit ang tagapamagitan ay hindi naiiwasang pumanig. Ay, sadyang isa ngang Taboan! Iba’t ibang wika, lahi, ideya at kamalayan na nagtatagpo’t nagpapalitan (nagpipilitan) hanggang sa magkangitian na lamang sa huli (mayroon din yatang tumataas ang kilay).

Ang mga ganoon namang pangyayari ay karaniwan lamang sa isang Taboan. Sapagkat karaniwan nang may maririnig na naghahapag na ang kanyang ideya ang pinakamainam. Malamang ito ay bunga ng kanyang paniniwala na ang kanyang pananaw sa daigdig na ang pinakamahusay sa lahat. Mayroon din namang ang lahat para sa kanya ay kuwestiyonable. Dapat lahat ay uriratin, tanungin hanggang sa maarok ang sukdulan ng lahat.

Ay, sadyang sa Taboan ang lahat ay nakahapag upang ipagbenta subalit hindi materyal ang bentahan. Hindi rin materyal ang perang pambili. Sapagkat ang lahat ay nangyayari sa isip at nalulutas at malulutas sa isip at mapapatunayan sa mailuluwal na mga naratibo.

Ngunit sa kabila ng ilang balitaktakan, nakapangingibabaw naman ang pakikibahagi at pagbabahagi ng mga karanasan. Kung kaya sa huli, makikita rin na anumang kultura/lahi ay magkakaugnay. Sapagkat lahat naman na delegado ay tao, pare-parehong napapaindak kahit sa payak na tambol ng katutubong ritmo at galaw, pare-parehong naaantig ng salita, at pare-parehong humihimig ang puso sa sinaunang awit ng sangkatauhan – ang awit na hindi nangangailangan ng materyal na wika.

Kaya bagaman hindi na nakakasunod sa tunay na kumpas ng galaw ng isang bagani, ang indak ng saut/sayaw pandigma na itinanghal ng mga kabataang lumad ay nararamdaman din sa puso. At bagaman iba ang rabab sa gitara o kaya’y kudyapi, ang oyayi nito’y hindi banyaga sa pandinig. At bagaman ang huni ng pulala’y naligaw sa panaghoy, may pahiwatig din ito ng isang payapa at panatag na daigdig.

May dahilan kung bakit kailangang sumayaw sa tuwing anihan maliban sa pagkakaroon ng bigas sa palayok. May dahilan kung bakit nagsusuot ng tangkulu maliban sa pagpapalamuti sa ulo.

***

Habang lulan ng sasakyan papunta sa paliparan, naitanong ng pinagpipitagang “kaibigang” si G. Jimmy Abad kung ano ang direksyong pinatutunguhan ng sasakyan. (Ito ay habang nagbabahagi ng kanilang mga “karanasan” sina G. Rony Diaz, G. Krip Yuson, G. Jun Balde at G. Juan Hidalgo.) At dahil naalala ko na malapit sa dagat ang paliparan, napagtanto kong papuntang timog ang aming sasakyan.

Kung ilalapat ang payak na aral ng pangyayaring ito sa pagiging manunulat ko, mauunawaan na dapat alam ko kung saang direksyon patungo ang aking pagsusulat.

***

Mula sa Davao, masaya akong umuwi dahil nagkaroon ng mga bagong kakilala at posibleng maging kaibigan. Nagkaroon din ako ng pagkakataong makisalamuha muli sa ilang manunulat na nakilala ko ilang buwan/taong nakalilipas. At higit sa lahat, sapagkat nabigyan ng pagkakataon ang naratibong Higaonon/lumad na muling marinig.

***

Sa huli’y nais kong batiin ang festival director na si G. Ricky de Ungria at ang secretariat ng Taboan Writers Festival 2011 (sina Dominique Gerald Cimafranca, Jhoanna Cruz, Mac Tiu, Lu Chin Bon) sa matagumpay na pangangasiwa sa nasabing pagtitipon.

At salamat sa NCCA, Davao Writers Guild at LCB Productions sa pagsuporta sa Taboan 2011!

—-
Telesforo Sungkit, Jr. is a Higaonon from Sumilao, Bukidnon. He wrote Batbat Hi Udan (The Story of Udan), considered to be the first lumad novel, and published it in 2009. Batbat Hi Udan is based on the nanagen storytelling tradition of the Higaonons. In making the leap from the oral to the written form, Sungkit hopes to preserve the legacy of his tribe.

Jun was a delegate to the 3rd Taboan Philippine International Writers Festival held in Davao.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.