Mater Dolorosa

Poetry by | August 8, 2010

(para kay Arsenia Acut)

Alam ko lang, magaling kang magparusa:
buong kumpol o ‘sang tingting ng walis
batay sa kasalanan, mas kaunti sa mas mabigat;
sampung sili, paisa-isa, nginunguya,
nilulunok sa bawat sagot at sumbat;
rosaryo ng mga luha’t pawis habang hinihintay
na malusaw ang bawat butil ng asin na niluluhuran
para sa mga away-bata, kaibigan man o kapatid;
pagkalula, pagkahilo mula sa pagkakabitin sa sako,
‘sang minuto sa bawat minuto ng paggala;
sampal, suntok, sabunot.

Noon pa man, malikhain ka na
sa pagdiretso sa lahat ng baluktot.
Ngunit ang alam ko lang,
magaling kang magparusa.
Kaya nauhaw sa pasa, bugbog, dugo, at kirot
itong bawat sulok ng aking katawan
noong tumahimik, tumalikod,
umiyak ka lamang.

Sa hapdi, hinukay ko ang aking libingan,
pumasok, namatay, at umahon, nabuhay
sa sakit na kinimkim mo sa iyong
dunong at galing sa pagpaparusa.

—-
JM Cortes Acut from Cagayan de Oro has been a fellow for fiction at the 1st Xavier University Writer’s Workshop and at the 8th IYAS Creative Writing Workshop.

One thought on “Mater Dolorosa”

Leave a Reply

Your email address will not be published.

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.