Kung luho mang maituturing ang pagbibiyahe, maluwag sa dibdib kong aaminin na ito ang isang bagay na kailanma’y hinding-hindi ko maaaring ipagkakait sa aking sarili.
Nag-umpisa akong maglakbay sa iba’t-ibang bahagi ng mundo nang ako’y mangibangbayan. Ngunit hindi ang mga lugar na binisita ko ang pagtutuunan ko ng pansin sa sanaysay na ito. Kundi ang mga panggugulo at panlalait na tagpong aking naranasan bilang isang biyaherong Pinoy. Lalung-lalo na ang nakapapagod na proseso sa pag-aplay ng visa. At ang pagharap sa mga kinatawan ng imigrasyon sa tuwing papasok pa lamang ako o di kaya’y papalabas na ng isang bansa.
Pag-aplay ng Visa
Bilang Pinoy na may pasaporteng Pilipino hindi pa rin ako nakaligtas sa mabusising proseso sa pag-aplay ng visa. Kahit na sabihing nasa Switzerland na ako nakatira. Kaya madalas di ako nakakapagbiyahe nang biglaan. Sa puntong ito kinaiinggitan ko ang mga Suwiso.
Sa pag-aplay ng visa kung anu-anong mga dokumento ang kailangan kong ipasa sa mga embahada. Ilan dito ang mga sumusunod—certificate of employment, residence permit, pay slip for the last two months, bank account, flight reservation/ticket at hotel reservation.
Habang pinoproseso ng embahada ang aking aplikasyon, madalas nakakawing sa aking isipan ang kaba na baka hindi ako mabigyan ng visa. Kahit na sabihing kumpleto kong ipinasa ang mga rikisito na hiningi nila. Nangyari na kasi ito minsan sa akin noong 1995. Habang pinaplano namin ng katuwang kong pumunta sa Arvika, Sweden, para mag-canoe ng mahigit isang Linggo. Tinanggihan ng Swedish Embassy ang aking aplikasyon. Katwiran nila’y di nila matiyak kung ang residence permit ko sa Switzerland ay palagian o pansamantala lamang. Sa sobrang galit ko’t takot na baka di kami makapagbakasyon gayong handa na ang lahat, ay nasagot ko sila ng pabalang. At nagbanta pa na kung sakali mang di nila ako bibigyan ng visa ay ibabalita namin ito sa mga pahayagan. Ewan ko kung takot sila na pagpipiyestahan ng medya. Kinabukasan napalundag ako sa saya. Dahil natanggap ko ang aking pasaporte at sa pahina 24 nito’y nakadikit ang Sverige Visering na may kasamang tatak na nagsasaad ng: Applicant informed that residence permit will not be granted after expiry of visa.
Sa loob-loob ko bakit naman ako lilipat sa Hilaga gayong mas matindi doon ang Taglamig kaysa Zurich.
Pagharap sa mga Kinatawan ng Imigrasyon
Malimit kinikilatis ko muna ang mukha at pinagmamasdan ang pakikitungo ng mga kinatawan ng imigrasyon sa kapwa ko biyahero. Bago ako magdedesisyon kung saan ako pipila at kung kanino ko iaabot ang berdeng pasaporte. Minsan tama ang aking pakiramdam. Minsan naman sumasabit. Gaya nang nangyari sa akin noong 2000, sa Los Angeles.
Kampanteng-kampante ako na makiharap sa kinatawan ng imigrasyon. Dahil nakadalawang balik na ako noon sa Amerika. At isa pa, mangilan-ngilan na ring visa ang nakadikit sa mga pahina ng aking pasaporte. Ngunit bago ko pa man naiabot ang aking pasaporte’y hiningi na ang aking pitaka ng immigration officer, na isang babaeng Afro-American na kasinlaki ng sequoia tree ang pangangatawan.
“Take out all the money, please.” Pabagsak na utos niya sa akin.
Biglang bumilis ang pintig ng aking dibdib. Nang wala ng lamang dolyar ang aking pitaka’y muli ko itong inabot sa kanya. At saka niya inisa-isang basahin ang mga calling cards na nakasuksok sa isang kompartimento ng katad kong pitaka.
“Philippines. Philippines. Philippines. Philippines. Oh, this one is from Zurich. Philippines…”
Walang duda, pinagdududahan niya ako kung bakit halos lahat ng calling cards kong dala ay galing Pilipinas gayong sa Switzerland ako nakatira.
“What do you want to do here?”, pabaling niyang tanong sa akin habang binabalasa niya’t patuloy na tinitingnan ang mga calling cards.
“I want to visit your wonderful and interesting National Parks, Maam.”, alisto kong tugon.
“And what do you want to do in the parks?”
Medyo napatigil ako ng ilang sandali sa tanong niya. Pakiwari ko’y tinatarantado ako ng awtoridad na kaharap ko. Sa yugtong ito
nagngangalit na ako sa immigration officer. At sa kabilang banda nama’y nahihiya sa ibang mga biyahero na nanonood sa mahigit na kalahating oras na interogasyon.
Marahil, sa inip at pagod ay biglang napasigaw ang katuwang kong Suwiso na nasa likuran ko’t nag-aantay sa kanyang turno.
“I’m travelling with him.”
Biglang napalingon ang immigration officer sa pinanggalingan ng boses. At parang nanunuyang sumagot.
“Oh, Why you didn’t inform me right from the start?”
Sa kalituhan, hindi ko kaagad naunawaan kung ano ang nais niyang iparating. Narinig ko na lamang ang paglagapak ng selyo sa aking harapan. At sa pagkumpas niya ng kanyang kaliwang kamay ay iginawad niya ngayon ang aking kalayaan, na galugarin ang bansang taas noong nagtataguyod ng demokrasya at pagkakapantay-pantay sa lahat ng nilalang dito sa sanlibutan.
Ang ganda ng pagkasulat mo Ega….sana may kasunod pa ito!!!