Il Postino Para sa Iyo

Poetry by | June 6, 2009

Kapag naririnig ko ang il postino
Nag iiba ang aking mundo.
Napupuno ng iyong masasayang alaala
Na minsa’y nakatago sa munting box kong dala-dala.
Kapag naririnig ko ang il postino
Nag iiba ang anyo ng aking mundo.
Maaliwalas, napupuno ng pag-asa
Ang aking damdaming nakabilanggo, nagpapaubaya
Ang aking tinatanging panaginip, napapantasya
Ang imaheng na ako’y nasa iyong bisig. Napakasaya
Sa duyan ng mga nota ng biyolin, piano at gitara,
Ikaw at ako, pinag-iisa.

Kapag naririnig mo ang il postino
Ibig kong isipin mong naiisip kita
Kahit ika’y malayo, napapalapit ka ng kanta,
Nararamdaman ang huling dampi ng iyong halik,
Nananabik sa muli mong pagbabalik,
Naaaninag ang iyong malambing na ngiti,
Naaaninag ang iyong mga matang nakangiti.
Inulit-ulit sa ispasyo ng isip ang sayaw mong katangi-tangi.
Indak ng iyong paa’y maihahalintulad sa lipad ng kalapati.

Kapag naririnig ko ang il postino
Nagugunita ko ang bahay-bahayan.
Wari’y isang masayang munting kaharian
Sagana sa gumamela, puting rosas,
bougainvilla at ibang makulay na halaman.
Sagana sa saya, tuwa at tawanan.
Doon ikaw ang aking Datu,
tinatawag sa pangalang Tatu.
Kapag naririnig ko ang il postino
Ibig kong patugtugin ito ng paulit-ulit—
Animo’y lumay ng hangin na may dalang magik.
Napapatulala ako, ikaw lang ang laman ng isipan.

Ibig kong patugtugin ang il postino ng paulit-ulit—
Kapag ito’y aking naririnig
Nagsisimula ang pagpapalaya ng iyong alaala
Na nakatago sa munting box kong dala-dala.

—-
Wang Loreto is a development worker based in Cotabato City.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.