Kung

Poetry by | March 22, 2009

Kung lulukuban ka,
Ng libu-libong demonyo na dala ay pamuksa,
Huwag kang pasasakop, lumaban ka.
Kahit pa man hawak na nila ang ulo mo’t paa,
Huwag mo sanang ipasaklaw pati ang iyong kaluluwa.
At kung inaakala mong talo ka na,
Mag-isip kang mabuti bago magpasya.
Pagkat kapalit niyon ay ang iyong katapusan.
Baka pagsisihan mo ang iyong kahihinatnan.

Kung gagapusin ka,
Ng kadena ng impyerno at pagdurusa,
Huwag kang patatali, magpumiglas ka.
Kahit pa man sa iyong pagkilos ay masugatan ka,
Mabuti na iyon kaysa ipagpalit mo ang iyong kaluluwa.
Kung ang iyong puso ay gapos na,
At ang iyong katawan ay pagod na
Isipin mo sanang buhay ka pa.
Habang ika’y humihinga, ang puso mo ay titibok pa.

Kung lulunurin ka,
sa laot ng walang hanggang hinagpis,
Lumangoy ka hangga’t kaya mo.
Huwag kang sumuko, huwag kang bibitaw.
Sige kumampay ka hanggang sa mapatid ang iyong hininga
Tumakas ka sa tubig, lumipad ka.
Dala ang basa mong katawan, ikampay mo ang iyong bagwis.
Pumunta ka sa araw at huwag nang bumalik.
Maiisip mong ang lahat ay panaginip.

—-
Erick Cezar Elipian is a BS Applied Math graduate from UP Mindanao and is currently based in Tagum.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.