Taong Bato

Fiction by | March 15, 2009

Alas nuebe na nang gabi nun. Bigla akong hinila ng magaling kong kaklase dun sa may rebulto na tila sinasamba ng lahat na mga estudyante. Nagtipon-tipon sila, tayo. Imbes na iparada ang mga parol para sa selebrasyon ng kapaskuhan, hayun ang lahat, may dala-dalang plakard. May itim na may puting tinta, at puti na may tintang itim at pula. May nagsasalita sa gitna. Daan-daang mag-aaral ang nandun pero walang mikropono. Tahimik ang lahat. Nakikinig. Nakikiisa. Buo ang atensyong ibinibigay sa sinumang nagsasalita.

Pero ako, hindi ko maintindihan yung pinag-uusapan. Alam ko kung ano ang isyu, oo, pero hindi ko maintindihan ang sinasabi nung lalaki sa harapan. Unang-una, nag-aalala ako nun dahil kelangan ko ng umuwi. Pangalawa, sumasakit ang ulo ko sa mga nakikita kong iba’t ibang ekspresyon ng mukha. Pangatlo, at higit sa lahat, lumilipad ang utak ko dahil damang-dama kong andun ka sa likuran ko. Natatakot akong gumalaw dahil ayokong madama ang balat mo sa balat ko. Ayokong makuryente nung mga sandaling yon. Baka hindi ko kayanin. Korni, pero totoo.

Ilang minuto na rin akong nakatayo at nagkukunwaring nakikinig. Nakailang beses na ring may estudyanteng napagbigyang magsalita sa harapan tungkol sa mga hinanakit nila. Gusto kong makisimpatya. Gusto ko ring maghinanakit. Pero sa mga oras na yon, ibang damdamin ang nangingibabaw sa akin. Damdaming walang kinalaman sa isyu. Damdaming napakamakasarili. At yun ay dahil nandun ka. Dahil nandun ka sa likuran ko na hindi abot isang pulgada ang layo mula sa kinatatayuan ko. Dahil malapit tayo sa isa’t isa.

Ilang minuto pa muli ang lumipas nang may narinig akong tila bumubulong sa tabi ko. Nang nilingon ko, muntik na akong matunaw. Kinakausap mo ako! Kahit walang kwenta, ayos lang. Pinag-usapan natin ang tungkol dun sa isyu. Kunwari may alam ako. Pakiramdam ko nga napansin mong wala akong kaalam-alam at binago mo ung pinag-uusapan natin. Napunta tayo sa mga guro, sa mga kapwa estudyante, at maging sa
pagkain! Lahat ata na pwedeng pag-usapan pinag-usapan natin. Sabay tayong palihim na tumatawa. Minsan nga, nag-apir pa tayo e. Nakakatuwa kasi yung pinag-uusapan natin nun.

Ang saya ng gabing iyon. Hinatid mo ‘ko sa may sakayan ng dyip. Pano, biglang nawala yung kaklase ko. Andami kong tanong at kawerduhan sa isip nun. Isa, kilala mo pala ako. Magkaklase tayo nung nakaraang sem, pero ni minsan ay hindi tayo nagkausap. Lagi ka kasing natutulog sa klase. At kung gising ka man, siguro absent ako. Isa pa ulit, may
kwenta ka palang kausap. Sa totoo lang, kaya lang naman kita gusto kasi sa kapatiran niyo, ikaw lang ang may maiksing buhok. At hindi ka nagji-gel. At tsaka, puti at itim lang ang kulay ng shirts mo. Pero pagkatapos nung gabing nag-usap tayo, lumala ata tama ko sa’yo. At isa pang isa, hiningi mo yung number ko — ano kaya motibo mo?

Mahigit isang buwan na ang lumipas mula nung gabing yun. Isang buwan ng paghihintay sa mensahe mula sa’yo. Walang kwenta lahat ang mga mensaheng natatanggap ko. Sabi mg message counter sa cellphone ko, 3869 messages na ang natatanggap ko mula nung unang araw ng taon. Pero ni isa sa libu-libong mensaheng iyon, wala ni isa mula sa’yo.

At ang pinakamasaklap sa lahat, mag-iisang buwan na rin simula ang klase ng taong ito, pero ni anino mo hindi ko pa nakikita. Noon, kahit hindi kita hinahanap, bigla ka na lang sumusulpot sa kung saan man ako naroroon.

Kung ito ang kapalit ng isang gabing iyon, wag na lang. Kontento na sana ako sa mga pasulyap-sulyap na tingin. Kontento na ako na marinig ang boses mo habang kinakausap mo ang mga kaibigan ko. Kontento na sana ako.

Gabi-gabi nga pala akong dumadaan dun sa may rebulto. Doon yun e. Doon.


Taloy Dumdum is 20; a BA Communication Arts student from UP Mindanao

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.