Nagpinta ka
sa lupalop ng aking gunita—
ng mga natuklap na kaban at maleta,
ng mga napudpod na sapatos at sandalyas,
ng mga nasugatan na pantalon at bestida.
Tumugtog ka
sa lupalop ng aking gunita—
ng mga hiyaw ng sanggol na gutom,
ng mga lagapak na interogasyon,
ng mga buntong-hininga ng disilusyon.
Naglilok ka
sa lupalop ng aking gunita—
ng mga nalagutan ng hininga’t pag-asa,
ng mga manlalakbay na nakatitig sa kawalan,
ng mga nandarayuhang umaasam ng kaginhawaan.
A, munsik na isla ng Amerika!
pinuno mo ng sanlaksang alaala
itong puso’t diwang naglalakbay;
na kailanma’y di ko maididiskarga
sa lupalop ng aking gunita.
—-
Si Edgar Bacong ay tubong Dabaw at nakapagtapos ng Bachelor of Arts in Sociology sa Ateneo de Davao University. Dahil sa pag-ibig ay nilisan niya ang bayang kinalakhan at ngayo’y naninirahan sa Zurich, Switzerland. Marami na siyang tulang Tagalog at Cebunao na nailathala sa iba’t-ibang babasahin.
I like this. In fact, I sent a copy of this poem to a friend who’ve had the same experience with the personna in the poem.
nindut.