Hipan mo ako hangin ng iyong hiningang kay lamig
Kasabay ng iyong laway na tumatalsik sa aking pisngi
Ibig kong malaman mong ako’y nag-iisa
Walang kasamang kumain sa gabing kay lanta
Tabihan mo ako hangin, h’wag kang matakot ‘di ako titingin
Kunin mo ang kutsara at tinidor
Dahandahanin mong ubusin ang nasa iyong harapan
Ibabalin ko ang aking mata sa kahel na lampara…
Lampara, ba’t ka umiiyak?
Ikaw ba’y nalulumbay din? Wala ka rin bang kasama?
Pumarito ka.
Sabayan mong maghapunan ang hangin
Pangako. Hindi ako susulyap man lamang.
Hahayaan ko kayong kumain
Hahayaan ko kayong namnamin ang nakahain
Ipagpapatuloy ko na lamang ang aking paglalakad
Kakapain ko ang daan
Pipigilan ko ang hininga
Hanggang sa susunod na kanto
Kung saan may hangin at lamparang nag-iisa