Busaw

Poetry by | February 24, 2019

Naisip mo noong isda kang
ipinalit sa nawalang
ipinagbuntis na kapatid. Ayon sa iyong ina,
pag-ahon niya sa ilog naramdaman
ang pagkawala. Walang
bangkay sa lamay ngunit inaliw pa rin nila
ang mga sarili ng mga bugtong
upang walang talukap na bumagsak,
matiyak lamang na hindi tuluyang
makuha ng busaw ang nawala.

Ayon sa matatandang Tboli, isda ang kapalit
sa kinuha. Walang iniwan,
ayon sa iyong ina. Ilang taon pa
ang lumipas nang ikaw naman
ang dinadala. Hindi ka niya
hinele tungkol sa busaw nang hindi lumaki
sa kasamaan. Itinatago niya sa loob
ng tirahan ang hagdan pagdilim
nang hindi maakyat ng inaasahan.
Lumaki kang mulat
sa takot na walang katiyakan
ang anyo at nagugunita lamang
ng mga salita.

Sa salita nagiging tao ang mga isda,
iyong natutuhan malaon.

Malaon, nagdalaga ka
at nagdalantao. Isang takipsilim
nang nagtupok ka sa tabi ng puntod
ng kapatid na walang pangalan.
Ayon sa iyo, pagtayo mo naramdaman
ang pagkawala. Busaw, ikaw.
Tonem?
ang iyong ina. Là,
olow mungol ngawóyen.
Laen luluken?
Walang isda.
Mayroon lamang lansa.


M.J. Cagumbay Tumamac is a writer and reading advocate from southern Mindanao.

Balak na Maikling Dokumentaryo tungkol sa Isang Binatilyo sa Badjao Village

Poetry by | February 16, 2019

ayon na rin kay Jade Mark Capiñanes sa sanaysay na “Abal”

Sisimulan natin sa katotohanan na pangkaraniwan
sa iyo ang lalim ng Dagat Celebes. Mula nang isilang,
iyo nang karugtong ang buwan at araw na nagsasalítang
umaho’t sumisid. Babanggitin natin ang estadistikang
nasisid ng isang katulad mong Sama ang limampung dipa.
Ipapakita kang inaabot lamang ng dalawang mata
ang pababang araw. (Iyong unang talâ: hindi magalugad
ang tinataguan ng buwan at araw sa loob ng dagat
at di madalumat ang pagkakaiba ng lalim at lawak.)

Tutunog ang bangkang hindi sa ama mo at mangingibabaw
ang kaniyang tinig, “Malalaking barko ang aming kaagaw.”
At uuwi siyang dala ang nahuling apat na tulingan.
Daratnan ka niya at ang iyong inang nalunod sa iyak
ng siyam na batang ang dalawang suso ay nais malasap.
Isadula natin ang isang gunita: Pasko sa siyudad
at nanlilimos ka kasama ang ina at bunsong kapatid.
(Pangalawang talâ: may antig ang lamlam sa titig ng paslit
kaya kailangan na ang iyong ina ay laging magbuntis.)

Magpapanggap tayong hinahagilap mo ang baryang hinagis
ng kasama naming magpapanggap namang turistang naakit
sa aya ng lumang restoran na dáting ika’y tinangkilik;
ánitó, lalalang ang tanaw ng dagat ng mga gunita’t
ipapanatag mo, ang táong may hasang, ang pagkabalisang
baka hindi ka na muli pang lumutang. Katulad ng isda
sa isang akwaryum, pangamba at aliw ang iyong halaga.
Aabangan namin sa rabaw ng tubig ang iyong hininga’t
magpapalakpakan sa iyong pag-ahon na hawak ang barya.

Lulusong kang muli upang makakalap ng mga biyaya
gaya ng mamukuk, tayum, at iba pang ipinantadhanang
maipaalala ang danas ng pait sa natuyong dila.
Papakinggan natin ang isang eskolar: dagat din ang lungsod
para sa lahi mo—kinakalap lamang ang mga kaloob
na iniluluwa ng bato sa taob, ng kotse sa katok.
(Pangatlo mong talâ: saklap ang katumbas ng ilap at alat—
humaharurot lang ang mga sasakya’t madulas ang igat.)
Aahon ka ngayong may asim ang tiyan at pakla ang búkas.

Babalikan natin ang dokumentaryo ng isang banyagang
tinunton ang lahat ng suson at sulok ng dagat at lupa
sa layong masukat ang dulo ng hangi’t hininga sa bagà.
Ganito ang tagpong natunghayan niya sa pusod ng dagat:
sa linaw ng bughaw at bigat ng tubig, mayroong liwanag
para sa sumisid na si Santarawing nakadaop-palad.
(Pang-apat na talâ: hindi kailangan ng mga patunay
paano sinunog ang iyong katawan ng init ng araw
at ang iyong buhok ay pinusyaw nito at naging bulawan.)

Iikot ka ngayon sa pamayanan mo upang mapatibay
ang katotohanang wala na sa dagat ang lahat ng bahay.
(Panghulí mong talâ: hindi mo matukoy ang ilang pangalan
ng búhay sa dagat gamit ang wika mong nalimot ng dila.)
Hahantong kang muli sa ulo ng dagat at dulo ng lupa,
hindi malulula sa lumalabo mong mundong dambuhala.
Ating wawakasan na gagambalain ng iyong pagsisid
ang daloy ng dagat. Habang nasa ilalim, kami’y nakatitig,
maririnig lamang ang iyong hiningang bubula sa tubig.


M.J. Cagumbay Tumamac is a writer and reading advocate from southern Mindanao. An earlier version of Balak na Maikling Dokumentaryo tungkol sa Isang Binatilyo sa Badjao Village was awarded second prize in Talaang Ginto in 2017. It was also published in an independently published zine titled Sbu, Maitum, Dadiangas.

Mga Tuyong Dahon

Poetry by | July 29, 2012

Lumubog ako
sa dagat
ng mga tuyong dahon.
Sumisid ako
upang likumin
ang mga tagong yaman.
Sa pag-ahon,
gumawa ako ng kastilyo
at nagsaboy ng mga dahon.
Hindi ko napaghandaan
ang pagdating
ng alon ng mga dahon
na kumain
sa aking mga yaman at kastilyo.


A poet for children from General Santos City. MJ Tumamac is a member of Kuwentista ng mga Tsikiting (KUTING) and Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo (LIRA).