Magkaharap lamang ang mga upuan
ngunit ramdam ang pagitan —
hindi kayang bagtasin ng mga titig
na pilit hindi pinapadapo
o ng magkapanabay na pagtingala
at pagyuko
Marahil may mga salitang nabubuo
at nabubuhol sa kinarpinterong espasyo —
ngunit wala sa distansya ang diperensya
kundi nasa mga matang hindi mabasa,
maliban na lang sa pihadong pagpapabatid
na kahit ng isang yakap ay hindi ito matatawid
Si Mike Ariel Plaza ay fellow ng 2015 Davao Writers Workshop. Hinahanap niya ang mga kuwento sa gitna ng espasyo, mga patlang, at katahimikang naninigaw.