Ito ay bag na aking dala sa eskwelahan
Saking hirap na mga balikat ito’y pasan
Mabigat man minsan na ito ay sakbitin
Mas mabigat ang liwanag saki’y binilin.
Sa loob ng bag na ito’y di lamang kagamitan
Bagkos pag-asang magdadala ng kaginhawaan
Pag-asang kalakip ay ang matayog na ekspektasyon
Akong kanilang itinaas upang siya ang mag-ahon
Ako raw ang pag-asa ng pamilya
Kasama ay ang bag na aking dala
Ako ang huling alas na inihain ng aming tahanan
Ang lalaban sa laro na tinatawag nilang kahirapan.
Ngunit ako’y natatakot rin
Pagkat labis nilang hangarin
Isang tungkuling di ko ninais tanggapin
Sa balikat ko’y tahimik na nakabitin.
Ngunit gaano man ito kabigat di ko ito bibitawan
Sa halip ito ay aking iingatan at pangangalagaan
Pagkat habang sinasakbit ko ito patungo sa paaralan
Siya namang hakbang ng pamilya ko palayo sa kahirapan.
Kent Nathan S. Mortilla is currently a Grade 12 student. He loves writing poems about his feelings and experiences as a form of self-expression. This poem was written during days when exhaustion and doubt weighed heavily on his heart.