(Unang Bahagi)
Tagpo: Isang lugar sa Mindanao
Mga Tauhan:
John: sundalo, may asawa.
Elaine: asawa ni John.
Abdul-Malik: nagnanais sumapi sa rebolusyon, may asawa ‘t anak.
Noraisa: asawa ni Abdul-Malik.
Farida: rebolusyonaryo, pangalawang asawa ni Abdul-Malik
(Magbubukas ang dula sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga magsisiganap sa anyong pagdarasal – Muslim at hindi Muslim.)
KORO: Nanunuot sa kalamnan ang lamig ng hanging dumadampi sa pisngi lalo na sa may mga buhanginan sa isang isla ng Mindanao. Tumatarak, sumusugat ang mga kutsilyong mandiāy hawak ng dilim na bumabalot sa naghuhumiyaw na katahimikan ng lupa. Sumisirit ang sariwang dugong may mga katagang sumasabay sa pagbulwak ng mapulang likido. Binabaybay nito at niyayakap ang mga katotohanang pilit ikinukubli sa likod ng mga hungkag na pangarap. Ang dugo ay nananambitan, naghihinagpis, nanunumbat, humihiyaw. Ang bugso ng galit sa katahimikan at ang dugo ay iisa.
Elaine: Lagi na lang kasi yang uniform mo ang inaatupag mo. Pakiramdam ko ‘yang baril mo ang pinakasalan mo e.
John: Tama na Elaine ano ba? Kung anu-ano ang pinagsasasabi mo. Lagi na lang ba tayong ganito?
Elaine: Oo nga John. Lagi na lang ba tayong ganito?
John: Tama na, Elaine, pagod na `ko.
Elaine: Pagod na rin ako (katahimikan). Gaano ba kasarap haplusin ang baril? Ga’no nga ba ito kasarap hagurin nang hagurin? (Patlang) Paano ba maging baril?
John: Ilang taon na tayong magkasama.
Elaine: Oo nga, yun nga ang problema. Ilang taon na tayong magkasama. Dalawa tayo no’ng nagsimula, hanggang ngayon dalawa pa rin tayo.
John: Iyan na naman ba ang pag-uusapan natin? Siguro hindi pa ta tayo handa.
Continue reading Tilamsik ng Dugo