Tilamsik ng Dugo

Play by | March 5, 2017

(Unang Bahagi)

Tagpo: Isang lugar sa Mindanao

Mga Tauhan:

John: sundalo, may asawa.

Elaine: asawa ni John.

Abdul-Malik: nagnanais sumapi sa rebolusyon, may asawa ‘t anak.

Noraisa: asawa ni Abdul-Malik.

Farida: rebolusyonaryo, pangalawang asawa ni Abdul-Malik
(Magbubukas ang dula sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga magsisiganap sa anyong pagdarasal – Muslim at hindi Muslim.)

KORO: Nanunuot sa kalamnan ang lamig ng hanging dumadampi sa pisngi lalo na sa may mga buhanginan sa isang isla ng Mindanao. Tumatarak, sumusugat ang mga kutsilyong mandi’y hawak ng dilim na bumabalot sa naghuhumiyaw na katahimikan ng lupa. Sumisirit ang sariwang dugong may mga katagang sumasabay sa pagbulwak ng mapulang likido. Binabaybay nito at niyayakap ang mga katotohanang pilit ikinukubli sa likod ng mga hungkag na pangarap. Ang dugo ay nananambitan, naghihinagpis, nanunumbat, humihiyaw. Ang bugso ng galit sa katahimikan at ang dugo ay iisa.

Elaine: Lagi na lang kasi yang uniform mo ang inaatupag mo. Pakiramdam ko ‘yang baril mo ang pinakasalan mo e.

John: Tama na Elaine ano ba? Kung anu-ano ang pinagsasasabi mo. Lagi na lang ba tayong ganito?

Elaine: Oo nga John. Lagi na lang ba tayong ganito?

John: Tama na, Elaine, pagod na `ko.

Elaine: Pagod na rin ako (katahimikan). Gaano ba kasarap haplusin ang baril? Ga’no nga ba ito kasarap hagurin nang hagurin? (Patlang) Paano ba maging baril?

John: Ilang taon na tayong magkasama.

Elaine: Oo nga, yun nga ang problema. Ilang taon na tayong magkasama. Dalawa tayo no’ng nagsimula, hanggang ngayon dalawa pa rin tayo.
John: Iyan na naman ba ang pag-uusapan natin? Siguro hindi pa ta tayo handa.

Elaine: Kung hindi tayo handa, bakit pa tayo nagpakasal? Kung hindi tayo handa, anong halaga ng ating patuloy na pagsasama? (Patlang) Hindi nga ba tayo handa o hindi ka handa? (Katahimikan) Ilang taon na nga rin John, ilang taon na. Marami tayong pangarap non. Punum-puno ng pangarap ang hawat oras nating pagkikita’t pag-uusap. Parang pangarap din lahat, pati ang araw ng ating kasal. Pakiramdam ko no’n, umiikot lahat, nakakahilo. Masarap din palang mahilo paminsan-minsan. Pakiramdam ko non, lahat maganda sa mundo, lahat. No’ng naglalakad ako patungong altar, pakiramdam ko pagkahaba-haba ng nilalakad ko, at pagkatagal-tagal ng paglalakad. Pakiramdam ko, gusto kong tumakbo, bilisan ang lahat. Ngunit gusto ko ring bagalan lahat ng pangyayari. Gusto kong namnamin, alalahanin ang bawat segundo, ang bawat parte ng araw na ‘yon. Nagawa ko John, nagawa kong alalahanin. Nagawa kong angkinin, itago sa alaala bawat pangyayari sa araw na ‘yon. Masarap balikan, masarap gunitain. Umuulan pa nga no’n. Naaalala mo pa ba? Natakot ang nanay ko. ‘Di daw magandang pangitain. Baka mapuno raw ng unos ang ating pagsasama. Pinatigil ko si Inay. Ayokong magkaroon ng lamat ang araw na ‘yon. Ayokong magkaroon ng lamat ang pagsasama natin. Ni ayaw kong isipin ang anumang di magandang maaaring mangyari sa atin. Ninais kong maging maganda lahat sa araw na ‘yon. Ayokong alalahanin ang hindi maganda. Naaalaala mo pa ba? Inaalaala mo pa ba? (Katahimikan, matagal, nagpapakiramdaman.) Matagal na nga pala ‘yon. Marahil, ‘di na nga dapat pang pag-usapan. ‘Di na nga siguro mahalagang alalahanin. (Patlang.) May sulat nga pala para sa ‘yo, galing kay Abdul-Malik.

John: (Bubuksan ang sulat,magsisimulang magbasa.) Magandang araw sa ‘yo, kaibigan. Hindi ko alam kung paano magsimula. `Di ko alam kung anong mga salita ang mainam gamitin sa mga panahong gaya nito. Hindi ko maikakailang ikaw ang pinakamatalik kong kaibigan. Gayundin, ‘di ko maikakailang minamahal kita nang higit pa sa isang kapatid. Ngunit higit pa rin ang pagmamahal ko at pagnanais na mapaglingkuran si Allah, ang nag-iisang Diyos. Marahil habang binabasa mo ito’y nakaakyat na ako sa bundok, nakikihalubilo sa kapwa ko Muslim, nagnanais ng tunay at lubos na pagbabago. Hindi malayong magkatagpo tayo kung gayon, sa mga darating na engkuwentro — ikaw, sa panig ng gobyernong patuloy na pinaniniwalaan mo, at ako, sa panig ng hustisya at ni Allah.

(Sa kalagitnaan ng pagbabasa, makikita si Abdul-Malik sa likod, nagsusulat. Sasabihin nito ang kanyang sulat, ipagpapatuloy.)

Elaine: Masarap pa ring panghawakan ang nakalipas, John. Masarap alalahanin. (Patlang). Ilang taon na ang nakalipas. Hindi ako nakakalimot. John. Umuulan noon, pero maganda lahat. (May pait na ngiti.) Nakakatuwang isipin, ngayon ang araw na ‘yon ilang taon na ang nakakaraan. (Lalabas si Elaine. maiiwang magigitla si John).

KORO: Ito ang kuwento ng Mindanao. Pagnilay-nilayan natin, pagbuhol-buhulin, pag-usapan.

Noraisa: (May kargang bata.) Hindi ako papayag, ayoko.

Abdul-Malik: Nakapagdesisyon na ako.

Noraisa: Paano ang anak satin’? Pa’no kung may mangyari sa iyo.

Abdul-Malik: Tanging si Allah lamang ang makapagsasabi Noraisa. Babalik ako, sa kagustuhan niya.
Noraisa: Pa’no kung, wala ka nang balikan?

KORO: Malamig pa rin ang hangin, sumusugat ang dilim, huhumiyaw ang katahimikan.Ngunit sa isang dako, mayroong naghihinagpis, nais kumawala.

(Biglang papasok sa pinto si John. Mabibigla si Abdul-Malik at si Noraisa. Katahimikan.)

John: Ano’ng ibig sabihin nito?(Hawak ang sulat.) Alam mong (akmang lalapit kay Abdul-Malik.)

Abdul-Malik: (tatalikod) ‘Wag kang lumapit.

John: Hindi ko maintindihan (mapapaupo).

Abdul-Malik: Alin ang hindi mo maintindihan? Aling bahagi ng sulat ang hindi mo maintindihan?

John: (anyong nalilito) Ang, ewan ko.

Abdul-Malik: Hindi mo maintindihan o ayaw mong intindihin?

John: Masyadong maikli ang iyong sulat.

Abdul-Malik: Di mahalaga ang haba. Minsan kailangang iklian para maiwasan ang maraming pagkakamali, ang ‘di pagkakaintindihan.

John: Sa maraming panahon din nagiging dahilan ng di pagkakaintindihan ang kaiklian ng sulat, minsan kailangang habaan upang lubos na maipahayag ang nais ipahiwatig, upang lubos na maunawaan, upang maiwsan ang maraming pagkakamali, ang di pagkakaintindinhan.

Abdul-Malik : Nasabi ko na ang lahat ng gusto kong sabihin.

John: Maraming kulang, maraming di naisulat upang lubos na maunawaan.

Abdul-Malik : Ayaw mo lang unawain. (Patlang)

John: Meron akong sinumpaan.

Abdul-Malik : Hindi kita pinipigilang tuparin ang iyong sinumpaan.

John: Mayroon akong katungkulang ipagtanggol ang pamahalaan.

Abdul-Malik : Mayroon din akong katungkulan.

John: Anong klaseng katungkulan?

Abdul-Malik : Ipagtanggol ang naaapi laban sa katiwalian ng pamahalaan, baguhin ang baluktot na sistema.

John: Hindi ko alam kung ikaw pa ang dating Abdul-Malik na nakilala ko. Hindi na ako sigurado.

Abdul-Malik: Marami nang nangyari. Nangangailangan ng pagbabago. (Patlang)

John: Marahil marami na nga sigurong nangyari. Hindi ko namalayan.

Abdul-Malik: Makikita mo kung nanaisin mo, kung imumulat mo ang iyong mga mata. (Patlang)

John: Marami na tayong pinagsamahan.

Abdul-Malik: Patay na ang dating Abdul-Malik na nakilala mo. ‘Wag na natin siyang pag-usapan.

John: Sanay,.

Abdul-Malik: Tapusin na natin ‘to. May mas marami at mas mahalagang mga bagay na kailangang pag-ukulan ng pansin kaysa pag-usapan ang napipintong paghihiwalay.

John: Hindi na ba mahalaga ang pagkakaibigan natin?

Abdul-Malik : Mayroong higit at mas dakila sa pagkakaibigan. (Patlang).

John: Kung yan ang nais mo, paalam kung gayon. Sa muling pagtatagpo, anumang klaseng pagtatagpo. (Lalabas si John)

KORO: Malamig pa rin ang hangin, sumusugat ang dilim, naghuhumiyaw ang katahimikan, naghihinagpis, nais kumawala.

Noraisa: Bakit tayo umabot sa ganito, Abdul-Malik? (Patlang) Natatakot ako. (Patlang)

Abdul-Malik: Wag nating hahayaang mamayani ang takot. Tapos na ang pananahimik, ang pamamalagi sa isang sulok, ang pag-apuhap sa paghahanap ng lakas sa gitna ng dilim, ang panginginig sa paghihirap, sa gutom at sa takot. Kailangan na nating kumilos.
Noraisa: Abdul-Malik.

KORO: Sa simula’y dahan-dahan ang pagdaloy ng mga kuwento, sa mga ugat na tumutugaytay sa mga himaymay ng lupa. Dahan-dahan sa simula hanggang sa tuluyang umagos. Nabubura ang mga mapagkunwaring kulay, lumilitaw ang ang pinakaluma, ang pinakatagu-tago, pinatitingkad ng dugo ng maraming kuwento.

John: Tama na, Elaine!

Elaine: E, ‘di maghanap ka na lang ng ibang trabaho.

John: Bakit ngayon ka pa magrereklamo? Matagal na tayong magkasama.

Elaine: Natatakot ako, John. Pa’no kung may mangyari sa’yo?

John: Walang mangyayari, Elaine. lsa pa, hindi gano’n kadaling bitawan ang aking sinumpaan. Mayro’n akong katungkulan sa pamahalaan.
Elaine: Pa’no ang sinumpaan mo sa akin, sa harapan ng altar?

John: Elaine.

KORO: Lalong tumitindi, ang lamig ng hanging nanunuot so kalamnan sa tuwing nagiging masalimuot ang panahon sa may mga buhanginan sa isla ng Mindanao. Ang mga kutsilyong hawak ng dilim na bumabalot sa naghuhumiyaw na katahimikan ng lupa ay lalong bumabaon sa dibdib hanggang sa umabot sa kaibuturan ng puso, at ang dugoy nanahimik, nawalan ng hininga.

Abdul-Malik: (Katahimikan. Matagal.)Bakit, Noraisa? May problema ba? (‘Di umimik si Noraisa)
Kanina pa ako dumating, pakiramdam ko wala akong dinatnan. (Walang sagot.) Nasa’n ang anak natin? Ang anak ko? (Katahimikan.)
May kasama ako, Noraisa. Gusto ko sana siyang ipakilala sa’yo.

Farida: Aalis na lang ako, Abdul-Malik.

Abdul-Malik: Hindi. Hindi ka aalis, Farida.

Farida: Pero,.

Abdul-Malik: Dumating kang kasama ako. Hindi kita hahayaang umalis. (Idadako ang tingin kay Noraisa)

Abdul-Malik: Noraisa, tanggapin mo si Farida.

Abdul-Malik: Malamig sa itaas ng bundok, Noraisa. Malungkot.Maraming gabi at araw na nginangatngat ng pangungulila ang aking puso.

Noraisa: ‘Di pa ba tumitigil ang putukan’?

Abdul-Malik: Naroon si Farida sa mga gabi at araw na iyon. Siya ang nagbigay sa akin ng lakas, ng ginhawa.

Noraisa: Ayoko nang marinig ang putukan. Nabibingi ako.

Abdul-Malik: Ipinaramdam niya sa akin na tama ang ginagawa ko, ang ipinaglalaban ko.

Noraisa: Pakiramdam ko, pati puso ko’y nabibingi na rin. Ayaw na nitong marinig sa mga katwiran. Pagod na ito sa pakikinig, sa pag-unawa. Pagod na ito sa katwiran. (Katahimikan.)
Kailan matatapos ang putukan, Abdul-Malik? Kailan muling makikinig ang aking puso? (Muling katahimikan, nagpapakiramdaman.)
Abdul-Malik: Meron nga pala akong ibabalita sa’yo. ‘Wag ka sanang mabibigla. Kung mabibigla ka man, sana’y maunawaan mo. (Patlang)
Darating daw ngayong araw na to si John. Galing siya sa isang misyon. Darating daw siya sa kanilang kampo. Naroon ang kaniyang asawa, inaasahang naghihintay.(Patlang)

Kagabi, nilusob namin ang kanilang kampo. Magulo, madugo, maingay, nakakatakot. At hindi namin sinasadya… at hindi ko sinasadya… hindi ko alam… isang bala ang… si Elaine… naroon si Elaine, ang asawa, si John… hindi ko sinasadya. (liyak. Palakas na iyak. Makikita si John sa gilid ng entablado, papunta sa bangkay ni Elaine.)

John: (Marahan, punumpuno ng tensyong naglalakad patungo kay Elaine. Anyong nabibigla, nalilito, nanlulumo, nanginginig. Mabigat ang lakad.) Elaine, Elaine.

(Patuloy ang pagtawag sa pangalan habang hinahagod ng tingin ang katawan ng yumaong asawa. Pinipigilan ang pag-iyak, hanggang sa kumawala’t mapasigaw.)

Anong salita ang naaangkop sa panahong gaya nito, Elaine? Anong mga salita ang dapat kong sabihin? Tinatakasan ako ng mga salita. Kung sabihin kong patawad, makakaramdam nga ba ako ng kapatawaran? Anumang klaseng ginhawa’y tila mawawalan ng halaga. Mabubura nga ba ng panahon ang mga kasalanang hindi sinadyang aking nagawa? Ga’no kahaba ang panahon, Elaine? Kailan matitigil ang gulong nararamdaman ng aking dibdib ngayon? Kailan magkakaroon ng liwanag sa naaaninag kong dilim. Ano’ng ginawa ko, Elaine? Ano’ng ginawa ko? Marapat bang banggitin pa rin ang mga salitang inihanda ko para sa ‘yo? Para sa aking pagdating? Para sa aking huling pagdating’? (Patlang.)
Oo, Elaine. Nakatulong ang paglayo. Naisip ko’t nakita ang maraming pagkukulang. At nakapagdesisyon ako. Eto na ang huli kong padating. Eto na ang huli kong pagdating. Elaine. Hindi na ako aalis. Hindi na ako aalis. (Maiiyak.) ngunit ano’ng halaga ng pananatili kung ang dahilan nito’y lumisan at ‘di na muli pang darating? Ano’ng halaga ng alaala kung bawat pagdating nito’y katumbas ng sanlaksang pagsalimbayan ng pait sa gunita? Elaine… Elaine… handa na ko, Elaine. Tapos na ang paglilinis sa baril. Tapos na. ang pangangalaga sa mga Bala. Tuluyan nang naitiklop ang aking mga damit. Handa na ‘ko, Elaine. Elaine. Elaine. (impit, hanggang mapasigaw.) Elaine…!

Farida: (Lalapitan si Noraisa. Marahang hahawakan ito sa balikat.) Noraisa, tanggapin mo sana ako. Hindi gano’n kadali ang walang kasamang magbabantay at magmamahal sa itaas ng bundok, sa gitna ng gulo, sa kainitan ng rebolusyon. Malamig sa itaas. Nangangailangan din ng init ang puso.

Noraisa: ‘Wag mo `kong hahawakan, kung sino ka man.

Abdul-Malik: Noraisa (irnpit na sigaw)! Ano ba’ng nagyayari sa’yo? Ba’t ayaw mo kaming kausapin nang maayos? Ba’t ayaw mo kaming harapin? Bakit ‘yang damit na ‘yan ang pinapansin mo? ‘Di magtatagal, kailangan na naming umalis, umakyat sa hundok. Maaari mo pang ipagpatuloy ang panunulsi maya-maya lamang. Kausapin mo kami, Noraisa. Nahihirapan din ako. Harapin mo kami.(Saglit na katahimikan)

Noraisa: Pinag-aaralan ko lang ang panunulsi. Pinag-aaralan kong muli. Matagal-tagal na ring hindi ko nagawa ito, matagal ko nang kinalimutan. Hindi na ako nanunulsi matapos tayong ikasal. Inakala kong hindi ko na kakailanganin. Inakala kong iba na ang manunulsi para sa akin. Inakala kong hindi ko na babalikan. Nagkamali ako sa aking akala.

Abdul-Malik: Noraisa

Noraisa: Kailangan kong manulsi, Abdul-Malik. Kailangan kong balikan ang panunulsi. Kung hindi’y baka mawalan ako ng ulirat.

Abdul-Malik: Pwede ka namang manulsi maya-maya. Ang hinihingi ko lang..

Noraisa: Kailangan kong pag-aralang muli ang panunulsi. Baka sakaling matutunan ko rin ang pagtahi ng mga kwcnto, ang pagtagpi-tagpi ng mga hininga, ang pagbuhul-buhol at pagbuo ng buhay. Kailangan kong pagdugtungin ang nagkahiwa-hiwalay na piraso ng damit, ng buhay. Kailangan kong pagdugtungin ang buhav mo. ang buhay ko. Baka sakaling mahanap ko’t maibalik ang dating ikaw, ang dating ako.

Abdul-Malik: Noraisa.

Noraisa: Marunong ka bang manulsi, Farida?

Farida: Ha? E..

Noraisa: Kung hindi kailangan mong matutunan ang panunulsi. Marami kang matutunan sa panunulsi. (Patlang.) Malamig nga ha sa itaas ng bundok’? Saan nga ba mas malamig? Sa itaas? o sa baba ng bundok? (Patlang)

Nagsimula akong mag-aral muli ng panunulsi noong magsimulang dumating ang mga gabi’t araw — hindi ko sila mapigilan —mga gabi’t araw na nginangatngat ng pangungulila ang aking puso. Ito rin marahil ang mga gabi’t araw na nginangatngat ng pangungulila ang iyong puso, Abdul-Malik, Mapalad ka nga. Naro’n sa mga gabi at araw na ‘yon si Farida. Nakapagbibigay-init sa mga gabing malamig ang ihip ng hangin. Nakapagpapaligaya sa mga araw na may lambong ang langit. Nakapupuno sa pangungulila. Nakatitighaw ng pagka-uhaw sa pagmamahal. Mapalad ka.

Nag-iisa ako sa mga gabi’t araw na ‘yon, Abdul-Malik. Nag-iisa. Naghihintay. Umaasa. Kaya naisipan kong balikan ang panunulsi. Mabuti at hindi ko lubos na nakalimutan. Kung hindi’y baka hindi ko na naagapan ang aking mga damit, ang aking buhay. (Katahimikan)

Abdul-Malik: Kailangan na naming umalis Noraisa. Baka abutan kaming dilim sa daan, delikado. Lalo na ngayon. (Di iimik si Noraisa) Paalam na, Noraisa. Babalik ako.

Farida: Paalam, Noraisa. (Tatalikod ang dalawa, anyong papaalis.)

Noraisa: Hindi na mahalaga sa akin ang iyong paglisan. Abdul-Malik. Umalis ka man at dumating upang muling umalis nang maraming ulit, nang kahit ilang ulit , hindi na mahalaga iyon. Wala ka nang babalikan. ( anyong puputulin ang sinulid na ginagamit sa panunulsi. Iaabot ang damit kay Abdul-Malik.)

Hawakan mo, Abdul-Malik. Nakalimutan mo na ba? Ganyan na siya kalaki. Lumaki siya nang wala ka. Natuto siyang maglakad na `di ikaw ang umaalalay. Natuto siyang magsalita nang ‘di mo naririnig. Nakalimutan mo na ba? Gano’n ba kabilis, kadali ang paglimot?

Abdul-Malik: Nagkakamali ka, Noraisa. Lagi ko siyang naaalala, pinapangarap na mahawakan, rnakalaro, maturuang lumakad, tumakbo. magsalita, mangarap. Pinapangarap ko siyang mayakap. Katunayan, isa siya sa mga dahilan kung bakit ako naparito.

Noraisa: Hawakan mong mabuti ang maliit na kapirasong damit na ‘yan. Tingnan mo. Pag-aralan mo. Alalahanin mo. ‘Wag na ‘wag mong kakalimutan. Ganyan na siya kalaki, Abdul-Malik. Ganyan na kalaki ang anak natin, ang anak ko.

Abdul-Malik: Nasaan siya. Noraisa? Gusto ko siyang makita.

Noraisa: Hinintay kita kahapon. Matagal kitang hinintay. ilang araw na kitang hinihintay. May mga kasama kang dumating dumalaw. Hinanap kita sa kanila. Darating ka daw matapos ang isang araw. Nalaman ng mga militar ang pagdating ng iyong mga kasama. Dumating sila. Marami. Nasakote ang iyong mga kasama Lumaban sila. Pero lubhang marami ang mga militar. Maraming nasugatan, namatay, nahuIi. Nagtago ako sa isang sulok. (Aatras patungo sa isang sulok ng entablado.) Punumpuno ng takot ang aking puso. Nangangatal ang buo kong katawan. Hawak ko ang anak ko. Sumisigaw ang anak ko. Niyakap ko siya nang mahigpit. Madilim. Magulo. Maingay. madugo. ( Titingnan ang mga kamay )

Nang tumigil ang putukan, ‘tsaka ko lang namalayan, hindi na rin sumisigaw ang anak ko. Hindi na rin sumisigaw ang anak ko! (Saglit na katahimikan. Anyong gulat si Abdul-Malik at si Farida.)

Mahirap ang nag-iisa, Abdul-Malik. Hinintay kita. Mahirap ang nag-iisang gumawa ng hukay sa paglilibingan ng kaisa-isang.
Abdul-Malik: Ang anak ko..

Noraisa: Ang anak ko, Abdul-Malik. Wala kang anak. (Patlang)

Kailangan kong pag-aralan muli ang panunulsi. Baka sakaling maibalik ko ang dating tayo. (Patlang). Akina ang damit na `yan. Wala nang magsusuot nito ngayon. Wala na rin itong halaga. Hindi na mahalagang ayusin pa itong muli. Ang dapat dito’y sirain, itapon, kalimutan. (Pupunitin ang damit).

Abdul- Malik: Noraisa. (Patlang)

Noraisa: Kailan titigil ang putukan, Abdul-Malik?

Abdul-Malik: Patawarin mo ako.

Noraisa: Nabibingi ako sa ingay ng putukan.

Abdul-Malik: Magsisimula tayong muli.

Noraisa: Hindi na yata maibabalik ang dati. Punit-punit na ang damit.

Abdul-Malik: Mag-aaral din akong manulsi. Maaari kong pagtagpi-tagpiin ang nagkahiwa-hiwalay na bahagi ng damit kung hahayaan mo.
Noraisa: Ayoko ng pinagtagpi-tagping damit.

KORO: Ang mga katagang pilit na bumibitaw mula sa pagkasupil ng mga kuisilyong nakabaon sa puso ay mga katotohanang pilit na iniinda, winawaglit. Ngunit ang katotohanan ay mapilit.

Malamig pa rin ang hangin,sumusugat ang dilim, naghuhumiyaw ang katahimikan ng lupa. Ang puso’y naghihinagpis, nais kumawala. Ang puso’y may galit sa katahimikan ng lupa. Ang galit no namumuo so kuibuturan ng puso at ang dugo, iisa.

(Sayaw sa saliw ng Oyayi sa Mundo ng Buklod.)

TABING


Joey G. Vargas taught writing, speech, and theater subjects at UP in Mindanao and UP Los Baños. He served as Founding Artistic Director of the UP Mindanao Kombuyahan and as conductor for  Koro Kantahanay.  Under his artistic direction, Tilamsik ng Dugo won the Gaisano Prize for College One-Act Play.  An alumnus of the UPLB Lisieux Music Ministry and the UPLB Choral Ensemble, he currently sings bass with the Philippine Madrigal Singers.


 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.