Hindi Muna Ako Tutula Hangga’t Mahal Pa Kita

Poetry by | November 27, 2016

Kaya kong magkuwento tungkol sa simula
Noong manipis na foam lang ang pumapagitan sa sahig at mga likod natin
Dahil minimum wage lang ang kinikita mo bilang
Saleslady sa isa sa libo libong tindahan ni Henry Sy
At pa-raket-raket lang ako bilang tutor ng mga anak-mayaman sa Iloilo.
Kaya kong punuin ang magdamag ng mga sugilanon ng pagtitiis mo
Sa pagkain ng sardinas dahil ito ang paborito ko,
At ng paggising mo sa madaling araw upang ipag-igib ako ng tubig
Mula sa poso, ipag-init ng pampaligo’t pang-kape,
Ipagluto ng baon at ipagplantsa ng palda at blusa noong, sa wakas,
Ay natanggap ako bilang guro sa pribadong eskwelahang laging sanhi
Ng trapik sa General Luna. Marami tayong mga kuwentong
Kagaya nito, at pwedeng parisan ng metapora ang bawat alaala, ngunit
Hindi muna ako tutula hangga’t mahal pa kita.

Maaari kong awitin ang mga napagkasunduan nating
Maging theme song noong mga panahong ginagabi tayo
Sa pagtatrabaho nang parehong walang overtime pay:
Sana’y Wala Nang Wakas dahil Sharonian ako, at Head Over Feet
Dahil adik ka kay Alanis kahit hindi mo makabisa ang spelling ng apelyido niya,
Kagaya ng palagi mong paglimot sa petsa ng birthday ko.
Maaari kong awitin ang mga naka-loop sa playlist ko
Noong paulit-ulit mo akong sinuyo para lamang muling iwanan,
Na para bang paulit-ulit mo akong ini-endo para pag-aplayin
Sa parehong posisyon. Iba’t ibang himig at titik
Ang kaya kong ilapat sa aking pag-iyak, hagulgol, at pag-ngawa
Sa tuwing pinili mo akong saktan. Aking sasabayan ang ritmo
Ng bawat isa hanggang marindi ka sa sintunado kong pagkanta; ngunit
Hindi muna ako tutula hangga’t mahal pa kita.

Papayag akong sumayaw kahit pa nga walang tugtog
Basta’t maiyugyog ko lang ang katawan kong pagod na pagod na
Sa pagluhod at pagsusumamo sa mga novena ko kay St. Jude
Dahil ayoko nang umasang titino ka pa, kagaya ng
Hindi ko na pag-asang mare-regular pa ako o tataas ang sweldo.
Papayag akong sumayaw, umindak, at maglupasay
Bilang tanda ng pagbitaw sa nag-uumapaw na poot at galit
Na dala ng panghihinayang sa labintatlong taong sinayang
Nating dalawa. Hahataw sa galaw ang aking mga paa ngunit
Hindi muna ako tutula hangga’t mahal pa kita.
Dahil hangga’t may natitira pang katiting na pag-ibig sa kasingkasing
Ay hindi magiging sapat ang ritmo o tugma; walang saysay
Ang mga metapora. Ang bawat salita ay mananatiling kabalintunaan
Ng kabiguan nitong aking akda kaya’t ipagpaumanhin mo sana kung
Hindi muna ako tutula hangga’t mahal pa kita.


Early Sol won second place in the Hiligaynon Short Story Category of the 2016 Carlos Palanca Memorial Awards for Literature. She has been a fellow in several National Writers Workshop. She currently teaches Mathematics, Education, and Statistics courses at the University of the Philippines Visayas.

Kwentong MRT, Part 2

Fiction by | March 10, 2013

MRTBoni
Sa pagpreno ng tren ay hindi sinasadyang nasagi ni Can’t Deny ang braso ko. Kadalasan ay ayaw kong nadadampian ng balat ng ibang tao. Hindi ko talaga gusto ang ganoong pakiramdam. Pero sa pagkakataon na ito ay hindi ko siya ininda.

Kung kanina ay hindi ko maalis ang pagkakatitig ko sa kanya, ngayon naman ay hindi ko na maiangat ang aking mga mata kay Can’t Deny. Sapat na ang maramdaman ko siya sa aking tabi, at ang panakanakang paglanghap ko sa kanyang pabango.

Huminga ako nang malalim. Biglang pumasok sa aking diwa ang sabi-sabi na: kapag pinigilan mo ang iyong paghinga habang patawid ng tulay ay matutupad ang isa mong kahilingan pagdating mo sa dulo.

Kasabay ng pagtanaw ko sa Ilog Pasig, ang biglaang pagnanasa na makasama ko si Can’t Deny sa ilalim ng sikat ng araw.

Continue reading Kwentong MRT, Part 2

Kwentong MRT, Part 1

Fiction by | March 3, 2013

North Ave,
Humahangos akong lumusot sa papasarang pintuan ng tren ng MRT. Maswerte naman ako at meron pang bakanteng mauupuan sa gitnang bahagi ng seksyon na nakareserba para sa mga babae, mga may edad, at mga may kapansanan. Sinadya kong sa estasyon ng North Ave. sumakay para mas malaki ang posibilidad na makauupo ako. Nakakapagod kasing tumayo sa halos apatnapung minutong biyahe hanggang sa estasyon ng MRT sa Taft, lalo pa’t meron akong backpack na may lamang damit, laptop at digital camera.

Katamtaman ang dami ng laman ng tren sa paglarga nito. Mag-aalas diyes ng umaga na rin kasi. Sumandal ako sa matigas na upuan at ibinaling ang aking atensyon sa mga imaheng lumilipas sa labas.

Mataas na ang sikat ng araw. Mabuti na lamang at malakas ang buga ng hangin ng aircon sa loob ng tren.

Continue reading Kwentong MRT, Part 1