North Ave,
Humahangos akong lumusot sa papasarang pintuan ng tren ng MRT. Maswerte naman ako at meron pang bakanteng mauupuan sa gitnang bahagi ng seksyon na nakareserba para sa mga babae, mga may edad, at mga may kapansanan. Sinadya kong sa estasyon ng North Ave. sumakay para mas malaki ang posibilidad na makauupo ako. Nakakapagod kasing tumayo sa halos apatnapung minutong biyahe hanggang sa estasyon ng MRT sa Taft, lalo pa’t meron akong backpack na may lamang damit, laptop at digital camera.
Katamtaman ang dami ng laman ng tren sa paglarga nito. Mag-aalas diyes ng umaga na rin kasi. Sumandal ako sa matigas na upuan at ibinaling ang aking atensyon sa mga imaheng lumilipas sa labas.
Mataas na ang sikat ng araw. Mabuti na lamang at malakas ang buga ng hangin ng aircon sa loob ng tren.
Quezon Ave.
Umayos ako sa pagkakaupo nang tumigil ang tren sa estasyon ng Quezon Ave. Dito ako malimit sumakay noong kinukuha ko pa ang aking Masters Degree sa Diliman, may 2 taon na ang nakakaraan. Alam ko ang estasyon na ito ay kung saan maraming sumasakay na mga estudyante at pailan-ilan na mga propesiyonal. May isang babaeng sumiksik sa aking kinauupuan, habang ang karamihan ay nagsipaghawak sa nakalambiting handrail.
“Sunod na tren na lang po ang hindi makakasakay,” ani ng drayber.
Nakasara na ang pintuan ng tren nang namalayan ko siya.
Doon siya pumwesto kung saan nagtatagpo ang dalawang carts. Nakasuot siya ng puting maluwag na t-shirt na may makulay na imprentang “Can’t Deny.” Naka-maong na pantalon siya, naka de-gomang sapatos, at may tatlong ganador na hikaw sa isang tenga, samantalang walang palamuti sa kabila.
May mga puting earphones na nakapaslak sa kanyang mga tenga, pero mukha namang wala siyang pinakikinggan. Hanggang balikat lamang niya ang kanyang na rebond na buhok, na animo’y kulay kape. Agad kong naisip na malamang ay hindi pa ganoon katagal mula ng grumadweyt si Can’t Deny sa kolehiyo.
Kamuning
Dadalawa lang ang sumakay sa estasyon ng Kamuning. Walang pasaherong bumaba. Nakahanap na ng upuan si Can’t Deny at mukhang kumportableng-kumportable pa. Nagbabasa siya ng Japanese komiks.
Tiningnan kong mabuti ang mga mata niya. Hindi naman siya singkit.
Sa pagkakataong iyon ay parang gusto kong sabihin sa kanya kung ano yung mga paborito kong Japanese anime
Wala lang. Gusto ko lang na meron kaming mapag-usapan.
Itinanong ko din sa sarili ko kung siya ba yung tipong mahilig sa Japanese food? Kasi kung sakali man, ay iimbitahan ko siyang kumain ng California maki at beef teriyaki.
Gusto kong batukan ang sarili ko. Bakit ko ba iniisip ang mga bagay na ito? Bakit ako makikipag-usap at mag-iimbita pang kumain ng isang estranghero? At saka, hello? Ni hindi niya alam na nabubuhay ako.
Saktong yun ang naiisip ko nang iniangat niya ang kanyang ulo mula sa binabasa. Nagtagpo ang aming mga tingin. Nataranta ako pero di ko naalis ang titig ko sa kanya. Hindi rin ako sigurado kung talaga bang nakita niyang tinititigan ko siya, dahil pagkatapos noon ay iniunat niya lang ang kanyang leeg, at muling nagbasa ng komiks.
Cubao
Pinaka-ayaw ko talaga ang estasyon ng Cubao. Dito kasi pinakamaraming sumasakay na kung hindi aburido, ay amoy pawis, o parehong aburido na at amoy pawis pa. Dahil sa dami ng mga pumasok, natabunan nila ang pagkakasulyap ko kay Can’t Deny. Tapos pa, humahalo na ang hindi kaaya-ayang amoy sa hanging ibinubuga ng aircon sa loob ng tren.
Ayos rin lang. Ipinalangin ko na lang na huwag sana ako makalanghap ng masangsang na amoy ng lalaki.
Pumapangibabaw ang ingay ng kwentuhan ng dalawang mag-kumare, at ang hagikhik ng isang batang babaeng sinasaway ng nanay niya. Sinubukan kong ipikit ang aking mga mata pero mukha ni Can’t Deny at ng kanyang tatlong ganador na hikaw ang nakikita ko.
Binuksan ko ang aking mga mata at nakita ang isang babaeng malapit nang matumba sa pagkakaidlip. Mabuti na lang pala at nasa unahang bahagi ako ng tren. Kung hindi, may pagkakataon na ang tumambad sa aking pagdilat ay isang lalake, na pilit idinidikit ang kanyang harap sa bawat babaeng nakasakay sa tren.
Santolan
Para sa akin, itinayo ang estasyon ng Santolan dahil masyadong malayo ang pagitan ng mga estasyon sa Cubao at Ortigas. Sa aking opiniyon, yun lang talaga ang pinakasilbi niya.
Ang tanging beses na nakasakay ako dito ay nung sinamahan ko ang Nanay kong lumuwas pa mula probinsya upang asikasuhin sa Crame ang kanyang mga benepisyo sa pagreretiro. Singkwenta’y singko lang si Nanay nang mag-retiro. Medyo malakas pa, at dahil hindi taga-Manila ay sabik siyang sumakay ng MRT. Pero matapos niyang gapangin ang hagdan paakyat sa estasyon (dahil sa sira ang elevator at escalator dito) ay kasamang natunaw ng kanyang taba sa katawan ang pananabik na iyon. Mag-bus na lang daw kami o mag-taxi sa susunod, at baka mauna pa siyang malagutan ng hininga bago makatanggap ng kanyang benepisyo kung uulitin namin ang pagsakay sa MRT.
Kinuha ko ang aking cellphone na nakasuksok sa aking bulsa, ngunit wala akong natanggap na mensahe.
Hindi ko pa rin matanaw si Can’t Deny.
Ortigas
Nagkrus ako ng sarili nang dumaan ang tren sa harap ng EDSA Shrine — force of habit lang.
Marami-rami din ang bumaba sa estasyon ng Ortigas. Lumuwag ang laman ng tren at nakita kong nakaupo pa rin si Can’t Deny sa kanyang sulok at patuloy na nagbabasa. Hinugot niya ang kanyang cellphone mula sa harapang bulsa ng kanyang pantalon at mukhang may ka-text.
Shaw
Bago pa tumigil ang tren sa estasyon na ito ay tumayo na si Can’t Deny at ibinalanse ang sarili. Nalungkot ako ng konti. Akala ko kasi ay bababa na siya. Inisip kong malamang ay papunta siya sa mga malls na malapit dito kasama ang kanyang barkada, o kasintahan, o manliligaw. Kaya ganun na lang ang pagkabigla ko nang maupo siya sa tabi ko na hindi ko man lang namalayang bakante na pala.
Pamilyar ang pabango niya. Iyon din ang pabangong gamit ko bago ako nagpalit ng ibang tatak noong Pasko. Bigla akong hindi mapakali dahil naramdaman ko ang pamumuo ng pawis sa aking kili-kili.
(to be continued…)
—
Si Binibing Sol ay nagmula sa lungsod ng Iloilo. Marami na siyang nalahukang mga writing workshops, kasama na dito ang 2012 Iyas National Writers Workshop at ang 2012 Ateneo National Writers Workshop.