Ang pluma ko’y balisong
Ng isang mandirigmang makata,
Hinulma ng nagbabagang puso
At nag-aalab na mithi;
Pilit mang sakluban
Ay ‘di mapupurol.
Ang pluma ko’y balisong
Na tutusok sa bawat manhid na dibdib,
Nang ang sakit ay madiin
At nang matutong masaktan at lumaban.
Ang pluma ko’y balisong
Na hihiwa sa mahigpit nilang pagkakahawak,
Puputol sa kamay ng mga nagmamani-obra
At lalagot sa ideolohiyang sila ang bubuhay sa atin.
Ang pluma ko’y balisong
Na palaging nakasikbit sa gilid,
Ipapares laban sa kanilang mga baril
Ngunit magtatagumpay kahit pa sa kamatayan.
Ang pluma ko’y balisong
Isang malakas na boses at ‘di mapapaos,
Ang talim nito’y sing-talas ng mga matang dilat–
Patuloy na naghuhukay sa loob ng bawat isa
Nang masilayan ang mga bayaning nakahimlay.
Ang pluma ko’y balisong
Na patuloy na magtatalop sa makapal na balat
ng nakaraang pagpapakasasa,
Huhugis ng mga tulos upang gawing marka sa sukat
ng kalayaang ‘di matatansya.
Ang pluma ko’y balisong
Isang tansong pamana mula sa rebulosyunaryong mga ninuno,
Isang tunay na hudyat ng kalayaan at ‘di isang huwad na panulat.
Ang pluma ko’y balisong
Maparam man ang aking panandaliang buhay,
Ang mapula nitong kaluluwa ay walang humpay na magpapasalin-salin
hanggang sa diwa at puso ng mga makatang isisilang pa.
Ang likido nitong pula ay patuloy na dadanak sa papel ng ating
kasaysayan.
—
Anneliese O. Lomboy studied AB in English at the University of Southeastern University.