Kung luho mang maituturing ang pagbibiyahe, maluwag sa dibdib kong aaminin na ito ang isang bagay na kailanma’y hinding-hindi ko maaaring ipagkakait sa aking sarili.
Nag-umpisa akong maglakbay sa iba’t-ibang bahagi ng mundo nang ako’y mangibangbayan. Ngunit hindi ang mga lugar na binisita ko ang pagtutuunan ko ng pansin sa sanaysay na ito. Kundi ang mga panggugulo at panlalait na tagpong aking naranasan bilang isang biyaherong Pinoy. Lalung-lalo na ang nakapapagod na proseso sa pag-aplay ng visa. At ang pagharap sa mga kinatawan ng imigrasyon sa tuwing papasok pa lamang ako o di kaya’y papalabas na ng isang bansa.